Agusan del Sur Hostage-Taking 10-anyos na batang bihag, nagkasakit

NAGKASAKIT NA ANG sampung taong gulang na bata na isa sa mga hostage habang nananatiling bihag pa ang 16 na iba pa nang mabigo ang negosasyon sa Agusan del Sur.

Ito ang kinumpirma ni Caraga PNP Regional chief ng operations at chief of staff Senior Supt. Nestor Monton Fajura, na nakakaranas ng mataas na lagnat ang bata na si Shen-Shen Cabagtag.

Ayon kay Fajura, kahapon pa nabigo ang isinusulong na negosasyon nang hindi pumayag ang pamahalaan na pakakawalan lamang ang mga bihag kung pakakawalan din ang nakakulong na lider ng mga hostage-taker na si Ondo Perez.

Kahapon din nagpalabas ng kautusan ang korte na pakawalan si Ondo Perez mula sa Agusan del Sur provincial jail sa kundisyong tutulong lamang ito sa negosasyon na pinamumunuan ni Prosperidad, Agusan del Sur Mayor Alvin Magdamit na ginanap sa Provincial Jail.

Ngayon alas-8:00 ng umaga isasagawa muli ang negosasyon sa presensiya ni Ondo Perez na gagawin sa Purok 6, Barangay La Purisima kung saan nandoon ang mga bihag.

Batay sa record, si Ondo Perez at mga kasamahan ay sinampahan ng kasong kidnapping at illegal detention sa Agusan del Sur Regional Trial Court sa Prosperidad, Agusan del Sur, matapos na gawing hostage ang may 79 katao, ilang sa mga ito ay mga guro, DENR field personnel, civi-lians at mga mag-aaral nang tangkaing arestuhin sila ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas noong Disyembre 10, 2009.

Noong Disyembre 13, pumayag ang mga kaanak ni Ondo Perez, na pawang  mandirigma ng tribung Manobo na pakawalan ang  mga bihag sa kundisyong walang isasampang kaso laban sa kanila, subali’t matapos na pakawalan ang mga bihag, inaresto ng pulisya si Perez na naging sanhi upang muli silang mang-hostage.

Sa pinakahuling report ni Fajura, kinilala ang mga kasalkuyang bihag ng grupo ng mga Manobo na sina Narciso Oliveros, district supervisor, Hipolito Lastimado, division superintendent, Apolonio Alibangbang, principal, Joel Sausa, property custodian, Manuel Mordeno, Filipina Quitoy, Allan Gallano, Mary Jean Bedrijo, volunteer teacher, Arnold Quitoy, Pido Dolorito, Gerlie Monticalbo, Maricel Lagnazon, Diosdado Cabantac at si Shen-shen Cabagtag. (SAMION TUAZON)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.