Agawan ng lupa sa Iloilo, 1 patay; 1 sugatan

PATAY ANG ISANG lolo habang sugatan naman ang isa pa sa Iloilo matapos na magsaksakan ang mga ito sa agawan ng lupa sa nabanggit na siyudad.

Ayon sa report ni PO3 Jason Supio ng San Enrique Municipal Station sa Camp Crame, kinilala ang nasawi na si Arturo Fernandez, 70-anyos, residente ng Barangay Quinolpan, San Enrique, Iloilo na nagtamo ng walong tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan dahilan ng kamatayan nito habang ang suspek ay kinilalang si Leo Pagmanoa, 40-anyos, residente ng Passi City, Iloilo na nagtamo naman ng isang tama ng bala ng baril sa kanyang balikat.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang suspek ay caretaker sa lupa na pag-aari ng isang Noning Panes sa Barangay Talunganon, Passi City habang ang biktima naman ay may pag-aari ring lupa sa katabing lupa na binabantayan ng suspek.

Ikinagalit umano ng suspek ang ginawang panghaharang ng biktima sa lupa nito kaya wala nang madaanan ang suspek sa tuwing tutungo sa lupang binabantayan. Noong una umano’y maayos na nag-uusap ang dalawa na bigyan na lamang ng konting espasyo ang suspek upang makadaan.

Subalit nagmatigas umano ang biktima na nauwi sa pananaksak ng suspek, bagama’t nagtamo ng mga saksak ang biktima ay nagawa pa nitong maiputok ang 22 kalibre na baril sa suspek.

Matapos ang pamamaslang ay agad namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek.   (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.