Agarang Pagpapalaya sa Fil-Algerian, Inaayos na

NAGPADALA NA umano ng mga negosyador ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa agarang paglaya ng dalawang Filipino-Algerians na sinasabing dinukot ng Abu Sayyaf group (ASG) sa bahagi ng Sulu.

Sinabi ni MILF first vice-chairperson for political affairs Ghadzali Jaafar na kanilang naatasan ang isang commander Mosakar para makipag-ugnayan sa mga bandido at matiyak ang agarang paglaya ng mga biktima na sina Nadjoua at Linda, anak ni Datu Ustadz Abdul Basit Bansil.

Ayon pa sa opisyal, inaasahan nilang magkakaroon ng development sa ginagawang negosasyon sa mga susunod na araw.

Matatandaan na unang sinabi ni Jafaar na kinausap niya ang MILF Central Committee at hinimok ang mga pinuno ng MILF at MNLF sa Sulu na tumulong sa agarang pagpalaya sa dalawang babaeng biktima.

Samantala, base sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Zamboanga mula kay Col. Jose Cenabre, commander ng Joint Task Force Sulu, sakay sa isang PUJ ang mga biktima mula sa bayan ng Jolo at papunta sana sa Barangay Taglibi sa Patikul nang harangin ng walong armadong suspek na pinamumunuan umano ng isang Ninok Sappari at puwersahang tinangay ang mga ito.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.