Aga Muhlach, pinatunayang hindi siya makunat!

NAPAYAKAP KAMI KAY Aga Muhlach nang ‘di sinasadya (pero feeling namin, parang sinadya talaga namin) sa birthday party ni Mareng Ai-Ai delas Alas.

Eh, kasi naman, ang tagal naming hindi nagkita ni Aga, kaya ramdam namin ang kanyang “chubby-ness.”

Juice ko, kung alam n’yo lang, ang maka-close si Aga ang dahilan kumba’t nagpursige kaming maging reporter nu’ng araw.

Sabi namin sa aming sarili, kung mananatili kaming isang fan, pa’no namin magiging close at kaibigan si Aga?

‘Di ba, Manay Ethel Ramos? Sobrang na-miss namin si Morning. At nu’ng gabing ‘yon, dahil walang nakatutok na kamera, “nag-enjoy” nang husto si Muhlach.

AND SPEAKING OF Aga, ang daming nagsasabi, “Nat King Cole” ang lolo n’yo as in “nat-maku”. As in “kuripot”.

Hindi lang showy si Aga, pero galante ang lolo n’yo. Tulad na lang nang gabing ‘yon. Hindi sa amin, ha? Kina Rommel Chika at Arnel Tamayo, ang tumayong hosts nang gabing ‘yon.

Sa kabubuyo-kabubuyo ng mga hitad sa stage kay Aga, tinawagan ni Aga ang driver nito. At pagbalik ng driver, me dala nang checkbook.

Nag-sign agad si Aga at ipinaabot kay Ai-Ai ang tseke para ibigay ng komedyana sa dalawang bading.

Shocking galore ang dalawang bading. Sa tanang buhay nila, noon lang sila nakakuha ng gano’n kalaking tip mula sa isang artista at sa isang Aga Muhlach pa, ha?

Juice ko, panay ang puri ng mga bading at asikaso kay Aga. Kaya naintriga ang mga naroong bisita kung magkano ang ibinigay ni Aga sa dalawang bading.

Kahit kami, na-shock nang malaman namin kung magkano ang amount na nakasulat. Medyo magiging “KJ” muna kami sa pagkakataong ito.

Since walang pahintulot ni Aga, hindi na namin sasabihin pa, pero kahit kami, sa tagal ng friendship namin ni Aga, hindi kami nakatikim ng gano’ng amount sa kanya, ha-ha-ha-ha!

At least, happy naman si Aga that night. Magkano lang ba ‘yung amount na ‘yon kumpara sa mga tinatanggap niyang talent fee sa mga endorsements niya, ‘di ba?

SI AI-AI DELAS Alas, nakadikit na sa puso at pusod namin ang katauhan niyan. Sobrang love namin ‘yan, dahil nu’ng pareho kaming struggling nu’ng araw, ‘yan ang isang taong marunong lumingon at magpahalaga sa kaibigan.

Juice ko, saksi kami sa pagpupunyagi nu’ng araw ni Ai-Ai. Lahat ng katsipan sa buhay, naranasan na naming pareho.

Pero ang pinakagusto namin sa babaeng ‘yan, ‘pag nakasama ka niya sa hirap, gusto niya, hanggang sa pagginhawa ng buhay niya, ikaw pa rin ang kasama niya.

Promise, ganyan si Ai-Ai. Kaya kahit may alaga kaming Vice Ganda, ang friendship namin will remain.

Ay, si Papapi, nandu’n din! Sobrang love din namin ang kumpare naming ito (ninong siya ng 3rd daughter namin), dahil ilambeses na naming napatunayan kung gaano siya kabait na tao.

Heto nga’t ang kanyang talent fee sa guesting niya sa “Happy Breast Day, Marissa Sanchez!” concert sa Zirkoh Morato ay idinoneyt na lamang niya sa Philippine Foundation for Breast Care, Inc.

Ang bait, ‘no?

Kasi nga, ang concert ay for the benefit of the breast cancer patients, kaya baka type n’yong tumulong, tawag lang kayo sa 0922-8398877.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Related Post

loading...

4 thoughts on “Aga Muhlach, pinatunayang hindi siya makunat!

Leave a Reply

Your email address will not be published.