AFP: Kaya Napatay, NPA Spokesman, Nanlaban

IGINIIT NG Armed Forces of the Philippines (AFP) na nanlaban sa engkwentro noong nakaraang linggo ang grupo ni Greg Bañares, ang tinuturong tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Bicol region.

Ginawa ni AFP-Public Affairs Office chief Lt/Col. Ramon Zagala ang nasabing pahayag matapos sabihin ng komunistang grupo na pinatay umano si Bañares at dalawa nitong kasamahan matapos sumuko sa mga kinauukulan.

Sinabi ni Zagala na armado ang grupo ni Bañares at sa katunayan tumagal nang 35 minuto ang naganap na engkwentro sa Sorsogon noong Huwebes.

Ayon kay Zagala, nasa katunayan ay mas gugustuhin nilang mahuling buhay si Bañares.

Una rito, kinumpirma ng nagpakilalang Celson Minguez Command na kabilang nga si Bañares sa mga namatay sa engkwentro.

Samantala, nagbanta pa ang CPP-NPA nang mas maigting na pag-atake kasunod nang pagkasawi ng kanilang mga kasamahan.

Deadma naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nasabing banta. Bagama’t hindi ito minamaliit ng AFP, mas lalo pang paiigtingin ng sandatahang lakas ang kanilang opensiba laban sa NPA at hindi bibigyan ng pagkakataon ang rebeldeng grupo na makapaghasik ng karahasan.

Sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Domingo Tutaan na ang pagkasawi ng kanilang tagapagsalita na si Bañares ay isang napakalaking dagok sa grupo.

Sa ngayon, nakaalerto naman ang puwersa ng Philippine Army sa may bahagi ng Sorsogon at Bicol region hinggil sa posibleng retaliatory attacks na ilulunsad ng rebeldeng grupo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.