AFP at DND, dawit din sa DAP

NAKINABANG DIN ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) sa kontrobersyal na isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na bahagi ng multi-milyong discretionary fund ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Ito ang inihayag ng tanggapan ng DND sa mainit na usapin ng DAP ng mga mambabatas at ng iba pang opisyal ng pamahalaan na nais ng ilang sektor na tanggalin na dahil sa nagiging ugat na ng korapsyon.

Sinabi ng DND na sinasabing umaabot sa P665.6 milyon mula sa DAP ang tinanggap nila sa pagitan ng 2011 at 2012 na ipinalabas ng Department of Budget ang Management.

Napunta ang P397.3 milyon sa Philippine Air Force (PAF) para sa pagbili ng search and rescue equipment at pagsasaayos ng pasilidad nito sa Air Education and Training Command (AETC) sa Lipa City, Batangas.

Ang Presidential Security Group (PSG) naman ay nakatanggap ng P248.3 M para sa communication enhancement kabilang ang pagsasaayos ng mga gusali at barracks, pagkakabit ng CCTV cameras sa Malacañang at pag-upgrade ng kagamitan sa digital mula analog.

Ayon sa tanggapan ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, inaprubahan at pinondohan ng Budget Department ang nabanggit na mga proyekto.

Samantala, kung pagsasamahin ang nasabing mga halaga, lumilitaw na P645.6 milyon lamang ito.

Sa ngayon, wala namang maipaliwanag si Defense spokesman Dr. Peter Paul Galvez kung saan napunta ang P20 milyong pondo subalit may impormasyon na pinaghatian umano ng Philippine Army at Philippine Navy ang nasabing halaga.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.