Affidavit kontra US senator, hawak na ng PNP

MAKIKIPAG-UGNAYAN NA rin ang Philippine National Police (PNP) sa Federal Bureau of Investigation (FBI) hinggil sa ginagawang pagsisiyasat sa nabunyag na gun smuggling activities sa Pilipinas ng isang US senator.

Sinabi ni PNP spokesman C/Supt. Rueben Theodore Sindac na kanila ng natanggap ang affidavit laban kay California state senator Leland Yee at gagamitin umano nila itong “lead” sa sariling imbestigasyon.

“As long as there are no names mentioned, there are no specifics that will hold water in evidential value, we will just have to accept it as raw information and we will have to work on it from the bottom up,” pahayag ng opisyal.

Una rito, naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na seryosong alegasyon ang pagkakasangkot ng isang military official sa iligal na transaksyon ni Yee.

Ayon kay AFP-PIO chief Lt. Col. Ramon Zagala,  nakahanda ang AFP na paimbestigahan ang dawit na opisyal sa sandatahang lakas.

“Ang alam lang namin meron siyang kausap sa Pilipinas. Kapitan man siya o hindi, ‘yan ay titingnan natin,” dagdag pa ni Zagala.

Nabatid na una nang nadakip ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si California state senator Leland Yee dahil sa kasong “conspiracy to deal firearms without a license and to illegally import firearms.”

Ito ay matapos na natimbog si Yee na tumanggap ng $42,800 bilang campaign contributions ng isang undercover FBI agent na nagpakilalang buyer ng mga armas.

Base sa transaksyon, pumayag umano si Yee na magsilbing “middleman” sa $2.5 million-arms deal mula sa isang Muslim separatist group sa bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.