Aerial Survey sa Scarborough Shoal, Ligtas

HINDI MAKAPAGPAPALALA ng tensiyon sa bahagi ng West Philippine Sea partikular na sa bahagi ng Scarborough Shoal ang balak na aerial survey ng aircraft ng Pilipinas sa pinag-aagawang bahagi ng nasabing angat na bato o shoal.

Ayon kay DND spokesman Dr. Peter Galvez, sang-ayon sila sa anunsyo ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na gawin ito upang mabatid kung kailangan pang magpadala ng mga barko sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, inihayag ni Galvez na hindi na kailangan na ibalik pa sa Scarborough Shoal ang barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries Aquatic and Resources na naka-deploy kamakailan kung wala na rin namang deployment ng barko ang bansang China.

Mas makabubuting pag-aralan muna aniya ang redeployment ng barko sa nasabing teritoryo.

Napag-alaman na una nang inatras ng Pilipinas at China ang kanilang mga barko dahil sa malakas na alon bunsod ng nagdaang bagyong Butchoy.

Samantala, para mapaigting ang pagbabantay sa territorial water ng Pilipinas ay tiniyak ng  Philippine Navy na ginagawa na ng gobyerno ang mahahalagang hakbang para proteksyunan ang integridad at seguridad ng buong bansa lalo na ang teritoryong sakop ng Pilipinas.

Ayon kay Navy spokesman Omar Tonsay, target ng ahensiya na makamit ang pangangailangan ng pamahalaan para sa anumang operasyon ng sandatahang lakas kasama na ang Hukbong Dagat kaya’t malaking tulong umano ang programa ng pamahalaan na “The Capability Upgrade Program”.

Binigyang-diin ni Tonsay, na nitong nakaraang dalawang taon ay umaabot sa P6.6 billion ang inilaan ni Pangulong Benigno Aquino III para sa upgrade ng mga kagamitan ng ahensiya.

Ipinagmalaki rin ng Navy spokesman ang pagkaroon nila ng BRP Gregorio Del Pilar, BRP Tagbanua at PN Helicopter 422 noong nakaraang taon. (EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.