Addict sa Tong-Its SANGGOL, PINAMBAYAD

DAHIL  SA PAGKAGUMON sa sugal na Tong-Its, dinukot ng 23-anyos na babae ang kanyang pamangkin na anim na buwang sanggol na lalaki at ibinayad sa kanyang utang noong Linggo ng hapon sa Quezon City.

Ayon kay P/Chief Inspector Marcelo Mariano, commander ng Sub-Station 2 ng Caloocan Police, kasong Abduction in Relation to RA 7610 (Child Abuse Law), ang kinakaharap ngayon ni Marilyn Ramos, 23, naninirahan sa Sto. Cristo St., Balintawak, Quezon City.

Base sa salaysay ni Crisgy Selgas, 25, ina ng sanggol na si Christ John Gamboa na naninirahan sa No. 1618 Sawata Area 1, Maypajo, Caloocan City, pinaalagaan niya sandali ang anak kay Ramos noong Linggo ng alas-4:30 ng hapon sa kanilang bahay. Pagbalik niya ng bahay wala na ang kanyang anak pati na rin si Ramos.

“Hinanap ni Crisgy ang anak at nagtanung-tanong sa kapit-bahay kung nakita nila si Ramos at tiyempo namang nakita pala nu’ng lola ng bata nu’ng tangayin ito ng suspek,” ani P/Chief Insp. Mariano.

Kaagad na ipinagbigay-alam sa mga barangay officials ng pamilya Selgas ang pangyayari na ikinadakip naman ni Ramos, pero wala sa kanyang poder ang bata.

Sa police station, napilitan si Ramos na ipagtapat na ibinayad nito sa utang niyang P2,500 sa isang nagngangalang “Ria” sa Sto. Cristo St., Balintawak, Quezon City si Christ John.

Kaagad na pinuntahan nina SPO1 Wilfredo Muyon, PO3 Renato De Leon, PO2’s Remegio Deso at Felimon Arenas ang lugar na sinabi ni Ramos at inabutan nila ang bata sa bahay ni “Ria” na nag-iisa lang at umiiyak.

Napag-alamang nagkautang ng P2,500 si Ramos kay “Ria” dahil sa sugal na Tong-Its.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.