Acosta, Handang Harapin ang Graft Case

TINIYAK NI Presidential Adviser for Environmental Protection at Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Neric Acosta na kanyang haharapin ang warrant of arrest kaugnay sa kasong graft sa Sandiganbayan.

Sinabi ni Acosta na hahayaan niyang u-musad ang proseso dahil siya’y naniniwala na walang sinuman, kahit miyembro ng gabinete, ang mas mataas sa batas.

Sa kabila naman nito, naniniwala ang opisyal na isang political harassment ang kaso laban sa kanya na gawa ng mga taong nasagasaan niya sa pagpapatupad ng mga programa para sa kalikasan.

Ayon pa kay Acosta, 15 taon nang natutulog ang kaso at matagal na ring umatras ang complainant dito.

Nag-ugat ang kaso laban kay Acosta at kanyang ina na si dating Manolo Fortich Mayor Socorro Acosta sa umano’y ilegal na paglilipat ng pondo mula sa pork barrel ng nakababatang Acosta noong nanunungkulan pa bilang kongresista ng Bukidnon.

Tiniyak din naman ni Acosta na hindi niya hahayaang madiskaril ang kanyang tungkulin bilang tagapayo ng Pangulo kahit mangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng kalayaan.

Samantala, para kay Acosta, seryoso ang problema sa kalikasan na pinalala pa ng climate change at mga likas na sakuna, at hindi ito dapat isantabi.

(PARAZZIREPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.