Acetylene Gang na Nanloob sa Pawnshop sa Valenzuela, Kilala Na

DALAWA SA apat na miyembro ng “Acetylene Gang” na nanloob sa isang pawnshop sa Valenzuela City noong nakalipas na Miyerkules ng madaling-araw ang kinilala na ng mga awtoridad.

Kinasuhan na ng robbery sina Dave Tiwan, 45; at Richard Apapply, 42, mga residente sa Upper Quezon City Hills, Baguio City.

Nabatid na ang mga suspek ay una nang nadakip ng Quezon City Police District sa kasong pagnanakaw noong October 2, 2008 at nakalaya lamang matapos magpiyansa.

Sanay rin sa paghuhukay ang grupo dahil ito ang kani-lang hanap-buhay sa Baguio City.

Naimbentaryo na rin ang nawawalang mga alahas sa pawnshop na nagkakahalaga ng P297,841.

Walang natangay na salapi ang mga kawatan dahil hindi nila nabuksan ang vault ng Cebuana Lhuillier na nakabase sa # 497 MML, McArthur Highway, Valenzuela City.

Isang balut vendor na binilhan ng balut ng mga suspek ang siyang kumilala sa mga kawatan bago isagawa ang pagnanakaw.

Nabatid na binutas ng mga suspek ang gilid ng pader ng pawnshop katabi ng kanilang inupahang apartment.

Naiwan pa ang mga ka-gamitan ng “Acetylene Gang” sa loob ng pawnshop.

Samantala, ibinunyag naman ni P/Chief Insp. Noel D. Ramirez, head ng Station Investigation Unit ang modus-operandi ng “Acetylene Gang”.

Titiktikan nila ang pawnshop o anumang commercial establishments na katabi ng pinuupahang bahay.

Magkukunwari itong uupa at magda-down pa ng tatlong buwan at iba ang kakausap sa katiwala ng bahay.

Sa oras na magkasundo na sa presyo ng upa, ibang tao naman ang titira sa bahay at hindi na magpapakita ang taong nakipag-usap sa katiwala ng paupahan at magkukunwaring nag-uukit ng kahoy ang kanilang tabaho.

Kapansin-pansin din na walang appliances na dala ang titira sa bahay bagkus bareta, martilyo at acetylene lamang ang kanilang dala.

Isasabay ng grupo ang pagpupukpok sa kahoy sa paggiba sa pader para disimulado ang ingay.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.