Access Deal sa US at Japan, Pinangangambahan

MISMONG ANG pinsan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na si Sen. Bam Aquino ang nangunguna sa mga mambabatas na nananawagan sa Palasyo na dapat ipaliwanag ang balak nitong pagbibigay muli ng access ng foreign forces sa naval and air facilities ng Pilipinas.

Sinabi ng senador na kailangang linawin ng Malacañang ang tinatawag nilang “temporary access” at kung ito ay alinsunod sa isinasaad ng Saligang Batas at sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa panig ng isa pang kaalyadong senador ni Aquino na si Sen. Sonny Angara, kailangan umanong magpaliwanag ang ehikutibo sa pagbubukas ng session ng 16th Congress sa Hulyo 22 dahil maraming haka-haka ang lumulutang sa binabalak ng gobyerno.

Para naman kay Sen. JV Ejercito, walang problema hangga’t ito ay temporaryo ngunit kailangan aniyang busisiin ang umiiral na VFA lalo’t patuloy ang pambu-bully sa bansa ng mga karatig bansa.

Tiniyak naman ni Sen. Nancy Binay na dapat tutukan ang binabalak ng gobyerno laban sa maaring paglabag nito sa Saligang Batas.

Nabatid na ipinagtanggol mismo ng Pangulo ang pinaplanong access agreement sa Estados Unidos at Japan.

Ayon sa Pangulong Aquino hindi naman permanente ang mga US o Japanese forces sa military bases na layuning magkaroon ng sistema ng kooperasyon sakaling may gulo.

Samantala, sinabi ng  Pangulo na hindi magtatagumpay ang alyansa kung hindi makakabisado ng kaibigang puwersa ang ating mga terrain.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.