‘Abolish Pork Barrel!’ Panawagan, Lumalawak

PATULOY NA lumalawak ang panawagan para i-abolish o tang-galin na ang pork barrel, at nakatakdang maganap sa Lunes, Agosto 26 ang isang malawakang ‘pagtitipon’ sa iba’t ibang pangunahing lungsod sa loob at labas ng bansa.

Sa Maynila, magaganap ang nasabing pagtitipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, Luneta, alas-9 ng umaga. Tinaguriang “The Million People March to Luneta”, ang nasabing pagtitipon ay nagsimula sa Facebook post ng music executive producer na si Ito Rapadas na nagsabing dapat magkaroon ng “million marchers” para mapilitan ang mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na tigilan na pagbubulsa ng pork barrel fund.

Naging viral ang nasabing post ni Rapadas, hanggang sa makara-ting sa Facebook account ni Peachy Rallonza-Bretaña na nagmungkahing gawin ang ‘martsa’ sa Agosto 26, Pambansang Araw ng mga Bayani.

Umabot sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang panawagan, maging sa ibang bansa kung saan maraming Pilipino ang dismayado na rin sa isyu ng pork barrel.

Sa Hong Kong, nagpahayag naman ng suporta ang iba’t ibang grupo ng mga Pilipino sa nasabing panawagan para tanggalin na ang pork barrel. Kahapon, sinugod ng mga militanteng grupo na ki-nabibilangan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-HK), Gabriela-HK, Promotion of Church People’s Response (PCPR-HK) at ng United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-MIGRANTE-HK) ang Philippine Consulate General upang manawagan na kasuhan ang mga sangkot sa pork barrel scam, tanggalin na ang sistema ng pork barrel, at ilaan ang bilyon-bilyong pisong pondo sa pork barrel, maging ang personal fund ni Pangulong Noynoy Aquino, para sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at direktang serbisyo sa mga overseas Filipino worker.

Ayon naman sa mga nananawagan para sa martsa, na pinangu-ngunahan ni Bretaña, ang nasabing pagtitipon sa Luneta ay walang bahid pulitika at bawal ang epal. Wala ring magiging programa at walang magsasalita sa entablado. Ito umano ay purong pagtitipon ng mga Pilipinong nagnanais na wakasan ang sistema ng pork barrel na ugat ng malawakang korapsyon sa gobyerno.

Samantala, kabilang sa mga magsasagawa ng pagtitipon ang mag sumusunod na lugar sa Luzon, Visayas, Mindanao at sa iba pang bahagi ng mundo: LUZON – Quirino Grandstand, Rizal Park, MANILA | 9 AM; Rose Garden, Burnham Park, BAGUIO CITY | 12 NN; 1st Rizal Monument, DAET, CAMARINES NORTE | 9 AM; Plaza Rizal, NAGA CITY | 9 AM; City Plaza, DAGUPAN CITY | 9 AM; VISAYAS – Museo Ilo-ilo/Plaza Libertad, ILOILO CITY | 9 AM; Plaza Independencia to Fuente Osmeña, CEBU CITY | 9 AM; Provincial Capitol Lagoon, BACOLOD CITY | 9 AM; Rizal Park, TAGBILARAN CITY | 9 AM

Rizal Boulevard, DUMAGUETE CITY | 9 AM; RTR Plaza, TACLOBAN CITY | 9 AM; MINDANAO – Rizal Park, DAVAO CITY | 9 AM; Rizal Park, DIGOS CITY | 9 AM; Kiosko Kagawasan, Divisoria, CAGAYAN DE ORO CITY | 2-5 PM; Rizal Park, GENERAL SANTOS CITY | 9 AM; City Rotunda, TACURONG CITY | 9 AM; WMSU Normal Road to Plaza Pershing, ZAMBOANGA CITY | 8 AM; Guingona Park, BUTUAN CITY | 9 AM; USA – Philippine Consulate, 556 Fifth Avenue, NEW YORK CITY | 3:30 PM local time; WASHINGTON, DC; HONOLULU, HAWAII; SAN FRANCISCO at LOS ANGELES, CALIFORNIA; CANADA – August 25 11:00am Slocan Park, VANCOUVER; EUROPE – August 25 at 10:30am in UTC+02 Chiesa S. Prudenziana, ROME, ITALY.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.