Aberya sa Barangay at SK Election

MARAMI KASING MAPAPEL na pulitiko ang gustong makialam at nagtulak ng pagkansela sa itinakdang barangay at SK election kaya nagkaroon ng aberya.

Hanggang sa huling sandali, pinipilit ng ilang kongresista at senador na huwag ituloy ang eleksiyon gayong itinatakda na ng batas ang pagdaraos nito.

Dalawang buwan lang ang naging preparasyon ng Comelec kaya sablay ang eleksiyon sa maraming barangay.

Nakasilip tuloy ang mga gustong kumita sa Comelec kung paano mamaniobrahin ang bidding.

TALAGANG MARAMING NAGPAPAKAMATAY para maposisyon lamang sa barangay.

Sa modernong mundo, mayroon pa ring nakaiisip na makapang-agaw ng ballot boxes. Iyong iba naman, in broad daylight ay namamakyaw ng boto at ang iba pa ay talahang lantarang nangha-harass.

Nang dumami ang pagkakakitaan sa baranggayan, lahat na ay gigil na makapuwesto.

Kaya nga iyong iba, kahit nakatatlong termino na ay naglakas pa rin ng loob na kumandidato.

At kapag nagwagi, alam nila ang kupad ng protesta sa Comelec at sa mga korte kaya tapos na ang kanilang bagong termino, nakaposisyon pa rin sila bago magdesisyon.

MARAMING VARIETY SHOWS ngayon sa telebisyon ang mukhang kinakasabwat ng mga gamot na kontra-biyahilo.

Tulad halimbawa ng bagong show ni Willie sa TV5, sa likot ng kamera at patambling-tambling pang shots, para kang nasuntok ni Pacquiao pagkatapos ng palabas.

Naobserbahan natin ‘yan hindi lamang sa Singko. Iyong ibang shows ng GMA-7 at Channel 2 ay ganoon din. Mukhang hindi nila alam ang tamang pagbibigay ng viewing pleasure sa mga parokyano.

Kunsabagay, biyahilo shots din ang style ni Willie noong nasa Dos pa siya kaya maraming kakilala natin ang nagrereklamo.

Out of curiosity, minsan sinisipat ko ang mga palabas sa TV at ako mismo ay nakasaksi kung paano tino-torture ng telebisyon ang mga viewers sa kanilang mga shots.

Hindi natin alam kung saan nag-aral ng productions ang kanilang mga director at technical directors.

May subject kaming production for TV sa Lyceum, pero wala akong natatandaang itinuro sa amin na gawing duhat sa pag-alog ang kamera para matuwa ang viewers.

Matapos kong subukang panoorin ang bagong show ni Willie, daig ko pa ang sumakay sa walumpung tsubibo sa sobrang hilo!

MALAKING PERA ANG P21 bilyon na planong gastusin ng Noynoy government para pantulong sa mga mahihirap.

Sa conditional cash transfer nila gagamitin o isang mekanismong bibigyan ng P1,400 kada buwan ang poorest of the poor sa kundisyong mag-aaral ang kanilang mga anak.

Bahagi pa rin ito ng ginawa noon ni GMA na bigyan ng isang kilong bigas ang mga papasok na estudyante sa ilalim ng food-for-school program ng DepEd.

Kasama rin dito ang pagbigay ng P500 sa mga senior citizens na parte rin ng pantawid-gutom program ni Arroyo sa kanyang gobyerno.

Marami na ngang tamad na Pinoy, lalo n’yo pa silang gagawing batugan.

Totoong obligasyon ng gobyerno na tiyakin ang kaayusan ng kanilang mamamayan batay sa itinatadhana ng batas pero hindi sa paraang ipagtatanim, ipagsasaing at pakakainin nila ang mga ito.

Kung ang P21 hanggang P34 bilyong budget ay gagamitin lamang sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at community livelihood programs, hindi na natin kailangang subuan ng pagkain ang bibig ng bawat mahihirap.

Lilikha ng maraming trabaho kung palalakasin natin ang industriyalisasyon at magkaroon ng massive productions sa ating mga sariling produkto.

Ang sabi sa Bibliya, huwag mo siyang bigyan ng isda, turuan mo siyang mangisda.

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.