Abandonada

 

Dear Atty. Acosta,

ITATANONG KO LANG po kung anong gagawin ko sa asawa ko, kasi 4 years old na po ang anak ko at mula nang ipanganak ko siya ay iniwan na kami ng aking asawa at hindi na kami sinuportahan. – Amina

 

Dear Amina,

ANG TUNGKULIN NA magbigay ng suporta ay ipinag-uutos ng batas. Dahil dito, obligasyon ng iyong asawa na magbigay ng suporta hindi lamang sa iyong anak, ngunit maging sa iyo na rin. Ang nasabing suporta ang binubuo ng mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan na hindi maaa-ring mawala para mabuhay. (Articles 194 and 195, Family Code)

Subalit kung ang pagbibigay ng suporta ay hindi kusang ipinagkakaloob, maaaring hingiin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. (Article 203, Family Code)

Kaugnay nito, kailangan kang magbigay ng abiso sa iyong asawa na kailangan na ng iyong anak ang kanyang suporta. Ito ay puwede mong gawin sa pamamagitan ng pagliham o ang personal na pagsabi nito sa kanya. Kung ang nasabing liham o personal na abiso ay hindi niya bibigyang-pansin, maaari kang dumulog sa hukuman upang magsampa ng “Petition for Support” laban sa kanya.

Maliban sa pagsasampa ng kasong sibil, maaari ka ring magsampa ng kasong kriminal laban sa kanya sa paglabag sa R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Sinasabi ng batas na ito na ang hindi pagbibi-gay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang anyo ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta. (Section 3 (3), RA 7610)

Bukod sa nabanggit na batas, mayroon pang batas na nagpaparusa sa mga lalaking hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang anak at asawa. Ito ay ang R.A. 9262 o ang “Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004”. Isinasaad dito na ang paghinto o hindi pagbibigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae ay isang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas.

Atorni First
By Atorni Acosta

loading...

2 thoughts on “Abandonada

  1. Dear Atty Acosta,

    Matagal ko na po sana kayong tanungin tungkol sa sitwasyon ko bilang isang breadwinner. Namatay po ang tatay ko, at kasama ko ngayon ang aking 40 anyos na ina at 5 mga kapatid. Walang trabaho ang nanay ko. At ako pa lang ang nakatapos ng pag-aaral. Lahat po ng pangangailangan ng aming pamilya ay sa akin nakaatang. Hanggang sa dumating yung panahon na nagasawa uli ang nanay (3 buwan matapos pumanaw ang aming ama). Dahil dun, madalas kaming nagtatalo,sapagkat may pamilya din ung kaniyang nobyo. Minsan, dahil sa pressure, hindi ko narin kinakaya ang lahat ng obligasyon na naipatong sakin. Karagdagan pang hindi rin ako inirerespeto ng aking mga kapatid. Bukod dun, madalas ako ipinapahiya ng aming ina sa pamamagitang ng pagbubunganga sa akin. Hanggang sa nsagot ko siya na nahihirapan nako sa lahat ng responsibilidad na dapat sana ay tinutulungan niya ako. Sinabi niya kakasuhan daw nia ko, kasi bilang anak at kapatid, obligasyon ko daw punan lahat ng pangangailangan nila, dahil ako daw ang may trabaho. Atty, tulungan nio po ako kung ano ang dapat kong gawin. Mahal ko sila pero nahihirapan din naman ako.Ano po ba ang dapat kong gawin? Salamat

  2. ATTY ACOSTA,
    Magandang araw po sa inyo. Nais ko lang po malaman sa inyo na kung ang isang abogado ba ay nagkaroon ng anak sa iba’t ibang babae at my tunay siyang asawa at kasal siya dito ay maari po bang matanggalan ng lisensya ng pagiging abogado? mayor pa po siya ngayon dito sa aming lugar sa iba, zambales. maari po ba siyang kasuhan ng mismong IBP?

Leave a Reply

Your email address will not be published.