9 Patay sa Ambus sa Negros Occ.

PATULOY ANG pagtugis ng mga kinauukulan laban sa mga armadong grupo na responsable sa nangyaring ambus sa Barangay Puso, bayan ng La Castellana, Negros Occidental pasado alas-3:00 kahapon ng madaling-araw.

Sa naturang pananambang, siyam na katao na ang namatay kabilang ang isang police officer na kinilalang si PO1 Richard Canja.

Tatlo sa mga fatalities ay mga miyembro ng Barangay Patrol Action Team (BPAT) na sina Jonathan Mateo, Ulysses Tamayor at Ramir Compleza; dalawang tanod ng Barangay Puso na sina Mario Ricablanca at Timoteo Esplegera; driver na si Ricky Dingcong; at mga sibilyan na sina Lito Lucban at Virginia Ordoñez.

Sugatan naman ang dalawang pulis na sina PO2 Jeffrey Alvarez at PO3 Constantino Villegas na kapwa nagtamo ng tama ng bala ng baril sa binti.

Lumalabas sa im-bestigasyon, idineploy ang tatlong pulis kasama ang mga kasapi ng BPAT para panatilihin ang kapayapaan sa kapistahan at magdamag na sayawan sa Barangay Puso kamakalawa.

Papauwi na sana ang nasa 30 katao sakay ng tinatawag na canter nang biglang hinarang ng hindi bababa sa 15 katao na armado ng high powered firearms at pinaulanan ng bala ang sasakyan.

Sinabi ni PO2 Dennis Melgareho, imbestigador ng La Castellana Police Station na hindi pa nakontento ang mga salarin at tinapos ang buhay ng mga biktima sa pagwasak sa ulo ng mga ito.

Samantala, hindi pa makumpirma ng mga awtoridad kung anong grupo ang responsable sa ambus at hindi pa masabi kung ano ang motibo sa likod nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.