9 na senador, nakialam sa 2014 PDAF

SIYAM NA senador pa rin ang nag-realign kung saan inilaan ang kanilang P200 milyon na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa pork barrel ngayong taong 2014.

Ito ay sa kabila ng deklarasyon ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang pork barrel ng mga mambabatas dahil ipinagbabawal sa mga senador at kongresista na makialam kung paano gastusin ang pera mula sa executive department.

Lumalabas sa dokumento na nakalap mula sa tanggapan ni Senate finance committee chairman Sen. Chiz Escudero, kabilang sa nag-realign ng kanilang pork barrel ay ang mismong mga senador na nasangkot sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon Revilla Jr.

Si Estrada ay inilaan ang pork barrel sa mga LGUs kabilang na sa lugar ng kanyang ama na si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nagkakahalaga ng P100 milyon.

Si Revilla naman ay inilaan ang kanyang PDAF sa DOH, DPWH, at SUCs o University of the Philippines System.

Kabilang din sa nakialam ng kanilang PDAF ay si Sen. Antonio Trillanes IV na inilaan ang kanyang PDAF sa PNP, Philippine Army, Philippine Navy, Office of the Secretary, TESDA at Commission on Higher Education.

Sina Sen. Ralph Recto, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. JV Ejercito, Sen. Alan at Pia Cayetano ay inilaan ang kanilang P200 milyong pork barrel sa Calamity fund.

Samantala, si Sen. Lito Lapid ay ibinahagi rin ang kanyang PDAF sa DOH, DSWD, at DPWH.

Habang ang 15 mambabatas na hindi na nakialam sa kanilang PDAF ay sina Senate President Franklin Drilon, senators Sonny Angara, Bam Aquino, Nancy Binay, Juan Ponce Enrile, Escudero, TG Guingona, Gringo Honasan, Loren Legarda, Bongbong Marcos, Serge Osmeña, Koko Pimentel, Grace Poe, Tito Sotto at Cynthia Villar.

Sinabi naman ni Estrada na walang paglabag sa deklarasyon ng SC ang kanilang pangingialam ng mga PDAF dahil ginawa ito sa kasagsagan ng budget deliberations ng Kongreso sa 2014 General Appropriations Act, kung saan tungkulin ng mga senador at kongresista na himayin ang panukalang pondo ng executive department kabilang na ang pangingialam ng pondo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.