9 na Barangay sa Cabanatuan, Niragasa ng Flash Flood

SIYAM NA barangay at daan-daang bahay ang lumubog sa tubig-baha nang biglang lumaki at umapaw ang mga pangunahing ilog sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija madaling-araw ng Linggo sa kabila ng walang ulan na naranasan.

Sa inisyal na report ng PDRRMC, lampas-tao ang lalim ng baha sa ilang bahagi ng Barangay DS Garcia at Brgy. Imelda, kung saan naging pahirapan ang paglilikas sa mga residente ng mga opisyal ng barangay dahil sa pagtutol ng mga tao na iwan ang kanilang mga tahanan na lubog sa baha.

Wala namang naiulat na nasawi sa biglaang pagbaha maliban sa isang bata na nasugatan malapit sa kanyang ari nang mahulog sa tricycle habang buma-baba patungo sa loob ng evacuation center.

Duda ng mga tao, nagpakawala ng tubig ang Pantabangan Dam kaya biglaan ang paglaki ng tubig-baha.

Ayon naman kay Engr. Josephine Salazar, Irrigation Manager ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS), hindi sila nagpapakawala ng tubig at walang dahilan para gawin ito dahil malayo pa diumano sa 221 meters na spiling level ang kasalukuyan nitong level na 194.10 o halos 27 meters na diperensya, kung saan kailangan pa raw nila ng tubig na iimbak para magamit ng mga magsasaka sa darating na taniman.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.