8,767 Nagtapos sa Livelihood Training Program ni Recom

 

MATAGUMPAY NA nagsipagtapos ang may 8,767 residente na sumailalim sa livelihood training program na isa sa mga proyekto ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na siyang makatutulong sa kabuhayan ng mamamayan.

Ayon kay Mayor Recom, sa pamamagitan ng programang ito ng lokal na pamahalaan ay makakakuha na ng sapat na pagkakakitaan ang mga residente sa pamamagitan ng mga natutunan nilang kaalaman sa kursong kanilang pinag-aralan.

Lumalabas sa rekord ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC), naitala ang pinakamaraming nag-graduate sa katatapos na training program sa kursong Food Trade (Food Processing and Food Demo) na pinili ng 4,169 residente.

Ang nalalabing bilang naman ay binubuo ng mga kursong Herbal Products na tinangkilik ng 1,075 residente, Soap Making/Home Products na tinapos ng 2,436, Candle Making na may bilang 428 na estudyante at Novelty Item/Practical Skills na pinagsanayan naman ng may 659 katao.

Ayon pa kay Mayor Recom, ang naturang bilang ay mula lamang sa katatapos na programa habang sa kasalukuyang taon ay pinarami pa ang kursong maaaring pasukin ng mga nais ng pagsasanay, kung kaya’t inaasahan ng alkade na mas tataas pa ang bilang ng mga residenteng tatangkilik at sasailalim sa mga livelihood training program ng lungsod.

“Isa ang training program sa mga kailangan ng mga residente dahil ito ang kanilang pagkakakitaan para matustusan ang pang araw-araw nilang pangangailangan at bunga nito, hinding-hindi natin ititigil ang paghahatid ng serbisyong katulad nito sa bawat mamamayan,” aniya.

Samantala, noong nakaraang taon ay nakapagpatapos ang lokal na pamahalaan ng Caloocan ng 1,133 residente mula rin sa pagsasanay ng CCMTC ngunit ang mga kursong nakapaloob dito ay naaayon sa tatlong kategorya tulad ng Soft trade, Hard trade at Information Technology.

Para kay Mayor Recom, ang dalawang uri ng pagsasanay na ginagawa sa Caloocan ay nakatutulong sapagka’t nakasasabay rin ang lungsod sa modernisasyon habang napapanatili ang mga makalumang pagsasanay na mas pinipili ng iilan.

Nangako pa ang alkalde na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng mga makabuluhang proyekto na makatutulong sa mga residente ng lungsod nang sa gayon ay upang lalo pang umasenso ang kabuhayan ng mga ito.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.