81, Patay; Higit 100, Sugatan
Lindol sa Visayas

UMABOT NA sa 81 ang nasawi, habang mahigit sa 100 ang nasugatan matapos na tumama ang magnitude 7.2 na lindol  sa Visayas.

Inihayag ni NDRRMC spokesman. Maj. Reynaldo Balido Jr. na kabilang sa mga namatay ay 15 katao mula sa lalawigan ng Cebu at isa sa Siquijor.

Umakyat naman sa 65 katao ang nasawi sa Bohol ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Habang umaabot umano sa mahigit 106 ang nasugatan sa Bohol pa lamang at nasa 22 simbahan ang nasira kabilang na ang kilalang Loboc Church.

Una rito, inihayag ni Phivolcs Director Renato Solidum na niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang Carmen, Bohol dakong alas-8:15 ng umaga kahapon.

Katumbas umano ng 32 atomic bombs na ginamit sa Hiroshima bombing noong World War II ang lakas ng magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Bohol at ilang bahagi ng Central Visayas.

Ayon kay Bohol Governor Edgar Chatto na may naireport na pagkasira sa lumang city hall ng Tagbilaran. May nabagsakan aniya ng debris at isinugod sa pagamutan.

May ilang lumang simbahan din aniyang nasira sa lalawigan kabilang yaong madalas puntahan ng mga turista.

Bukod dito, bumagsak din ang bahagi ng kisame sa Tagbilaran Airport kaya pansamantalang nilimitahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon nito.

Nagkaroon din ng mga pinsala sa imprastraktura sa Cebu.

Gumuho ang bahagi ng dalawang-palapag na gusali malapit sa Cebu Institute of Technology University sa Cebu City.

Nasira rin ang bubong ng Cebu Doctor’s University sa Mandaue City base sa mga lumabas na larawan sa networking sites.

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Maris Diokno, magpapadala ng team ang National Museum at NHCP para tingnan ang pinsalang idinulot ng lindol sa heritage sites.

Nagdulot din ng brownout ang lindol sa ilang bahagi ng Cebu City at Bohol ayon sa Philippine Information Agency (PIA).

Bukod sa Bohol at Cebu na pinakamatinding napinsala ng lindol, patuloy ang pagkalap ng impormasyon sa ibang lugar na niyanig.

Samantala, una nang sinabi ng opisyal na posibleng tatagal pa ng ilang linggo o buwan ang mga mararamdamang aftershocks dulot ng naturang malakas na lindol.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.