8-taon na ang nakalipas… Camana flood control project, ‘di pa rin tapos

DISMAYADO ANG ILANG sector ng gobyerno sa Caloocan-Malabon-Navotas (CAMANA) na kinabibila-ngan ng Non-Government Organization (NGO’s), Local Government Unit (LGU’s), private sectors, religious sectors, at mga negosyante hinggil sa matagal na pagkumpleto ng CAMANA Flood Control Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at inabot ito ng walong taon.

Nagsimula ito noong buwan ng Nobyembre 2003 na nagkaroon ng ground-breaking sa Don Basilio covered court Barangay Hulong Duhat, Malabon City na noo’y nasa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay Pampanga Representative.

Ang naturang proyekto ay pinondohan ng P5.18 bilyon, para sa kapakinabangan ng may 21-barangay sa Malabon, 14 na barangay sa Navotas at dalawang barangay sa Caloocan City at ito ay ang Bgy. 28 at 35.

Sa panayam ng Pinoy Parrazi kay CAMANA DPWH project director Carla Bartolo, 99.4% ng proyekto na ang natapos at ang natitira na 1.4 sa lugar ng Dampalit, Malabon, na siyang paglalagyan ng polder dike para tuluyan ng makumpleto ang proyekto.

Sinabi pa nito, na bago simulan ang polder dike ay magkakaroon muna ng bidding sa mga bagong contractor at kung sino sa mga contractor na nagpasa ng kanilang application para sa bidding ang manalo ay siyang hahawak at magtatapos sa natitirang 1.6 kilometers ng naturang proyekto.

Sa kabila nito, lalo pang ikinadismaya ng mga residente sa mga nabanggit na lungsod, dahil sa 99 porsyento ng proyektong tapos na ay hindi man lamang nila naramdaman ang malaking ipinabago nito o pagbaba ng baha.

Anila, palibhasa ay naalala lamang ang CAMANA Flood Control project sa tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan kung kaya’t noon lamang din sila nagbibigay ng kanilang complexion report ang DPWH.

Tulad na lamang sa Barangay 28 sa Maypajo Caloocan City , konting ulan lang, mataas na ang baha kung kaya’t hindi nila lubos-maisip kung saan at kung papaano inilagay ang ginawang spine pumping station at mga drainage dito gayundin sa Bgy. 35 sa Lapu-lapu Avenue ng nasabing lungsod.

Idinagdag pa ng mga ito na hindi rin umano totoo na sa lugar ng Malabon sa Governor Pascual lang ang bumabaha dahil maging sa Panghulo kahit hindi umuulan ay hindi man naiibsan ang tubig-baha.

“Ito ba ang P5.18 bil-yon na budget ng CAMANA Flood Control project na hindi malaman kung saan inilagay?” kuwestiyon pa ng mga grupo.

Samantala, sinabi naman ni Bartolo na magkakaroon ng Phase 2 ang Flood Control project para masakop ang Valenzuela City, Obando at Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.