8 Sakay ng Gov’t Car, Tiklo sa Gun Ban

ARESTADO ANG walo katao sa isinagawang Comelec checkpoint sa Del Rosario, Naga City pasado alas-11:00 kamakalawa ng gabi.

Ayon kay S/Supt. Abdulkhadil Guialani, kinilala nito ang mga salarin na sina Paterio Colata ng Northern Samar na isang retired army, Peter Cruzata, Vicente Pabit Jr., Elias Clavillas Jr., TJ Rodriguez, at Greg Salcedo na pawang mga taga-Camarines Sur, Dennis De Leon ng Camarines Norte at Eduardo Magdaraog ng Northern Samar.

Nakumpiska sa kanila ang tatlong kalibre .45 baril na may dalawang live ammunitions, isang 9mm, isang baby armalite rifle na may dalawang magazine, isang kalibre .38, at 14 na live ammunitions para sa hindi pa matiyak na kalibre ng baril.

Lulan ng isang puting van na may red plate at may mga nakadikit na campaign posters nina gubernatorial candidate Migz Villafuerte at vice-gubernatorial candidate Ato Peña ang mga salarin.

Nagkahabulan pa umano ang mga suspek at ang mga pulis nang tangkaing tumakas ng mga ito subalit naharang pa rin pagdating sa nasabing lugar.

Sa ngayon, kasong paglabag sa Comelec Gun Ban at use of government vehicle for election campaign ang kakaharapin ng mga salarin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.