8 kada 10 Pinoy, naniniwalang nakurakot ang PDAF

HALOS WALO sa kada 10 Pinoy ang naniniwala na nakurakot lang ang pondo ng mga mambabatas para sa iba’t ibang proyekto.

Base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Setyembre 14 hanggang 27, lumitaw na 77% ng mga Pinoy ang nagsabing napunta lamang sa korapsyon ang malaking porsyento ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa admi¬nistrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino III.

Trenta porsyento (30%) rito ang naniniwalang kalahati ng pondo para sa programa o proyekto ang nakurakot habang 27% ang nagsabing mahigit sa kalahati ang napunta sa korapsyon at 20% ang naniniwalang halos ang kabuuan ay napunta sa korapsyon.

Kung ikukumpara ang resultang ito sa survey noong Oktubre 2004 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, lumitaw na tumaas ngayon ng 9% o nadagdagan ng 1 ang dati’y 7 lang sa bawat 10 Pinoy na naniniwalang halos lahat ng pork barrel fund ay nakurakot.

Sa trabaho naman ng mga mambabatas, nais ng 42% o apat sa kada 10 Pinoy na iprayoridad ng mga ito ang mga proyekto at programa para sa kanilang nasasakupan.

Mas mababa ito ng 7% kumpara sa panahon ng administrasyong Arroyo.

Samantala, nasa 32% o tatlo sa kada 10 Pinoy naman ang nais na matutukan ang paggawa ng mga batas habang 14% ang nagsusulong na mauna ang pagsisiyasat sa mga eskandalo at 12% ang nais maprayoridad ang pagpasa sa taunang pondo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.