7 tiklo sa pekeng isang libo

PITONG MIYEMBRO ng tinaguriang Daang Hari Syndicate Group ang naaresto ng Pasay City Police dahil sa tangkang pagpapakalat ng pekeng pera.

Sinabi ng mga awtoridad na tatlong buwan din nilang minanmanan sina Jovie Alvarez, Arnel Abordo, Ronalyn Melico, Adrian Sta. Romana, Melvin Rama, Zoraida Briones at Allan Rivera na nakuhanan nila ng 80 piraso ng P1,000 bills.

Ayon kay Pasay Police Senior Supt. Rodolfo Llorca, posibleng magamit sa halalan ang mga pekeng pera na ayon sa kanilang nakalap na impormasyon ay dinadala pa sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region (NCR), gayundin sa Ilocos at Southern Tagalog.

Inamin naman ni Briones ang ilegal na trabaho, pero giit niya’y isang linggo pa lang siya rito.

Ang isa namang salarin na si Rivera ay nabatid na may nakabinbin pang kaso ng pamamaril nitong Enero.

Samantala, nahaharap ang pito sa kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Act of 2002.

Nagpaalala rin ang mga kinauukulan na suriing mabuti ang mga tinatanggap na pera at agad ipagbigay-alam sa awtoridad sakaling may kahina-hinala sa itsura nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.