7 mambabatas; DA official, kinaladkad sa P300-M NABCOR anomaly

ISINANGKOT SA P300 milyong anomalya sa programa ng National Agri-Business Corp. (NABCOR) ang pitong mambabatas at isang opisyal ng Department of Agriculture (DA).

Binanggit ng dalawang ex-NABCOR officials na sina Rhodora Mendoza at Victor Cacal ang mga mambabatas sa sinumpaang salaysay ng mga ito.

Sinabi ni Mendoza na sa P105 milyong pondo na napunta sa technical study ng 10 non-government organization (NGOs), P10 milyon ang napunta sa staff ng anim na dating kongresista at isang gobernador.

Nakatanggap naman umano ng tig-P2 milyon sina dating Palawan Cong. Baham Mitra, dating Bulacan Cong. Lorna Silverio at dating Davao Oriental Congresswoman at ngayo’y Gov. Corazon Malanyaon.

Tig-P1-milyon naman ang sinasabing naiabot kina dating Lanao Del Sur Cong. Faysah Dumarpa, dating Iloilo City Cong. Raul Gonzales Jr., dating Iloilo City Congresswoman at ngayo’y Department of Health (DOH) Usec. Janet Garin at, Batanes Gov. Vicente Gato.

Inihayag ni Mendoza na si dating NABCOR Pres. Alan Javellana mismo ang nag-utos na iabot sa mga opisyal ang pera na ginamit umano bilang election money noong 2007.

Mapatutunayan aniya ito ni Mendoza dahil may kopya siya ng mga ID ng mga inutusang staff at siya mismo ang kumausap sa mga akusadong pulitiko sa telepono.

Sinuportahan naman ng dating bise presidente ng Management and Institutional Services ng NABCOR na si Elvira Roseph Castelo ang binitiwang salaysay ni Mendoza.

Ayon kay Castelo, bumalik sa NABCOR ang mahigit sa P96 milyong pinambayad sa hinihinalang pekeng NGOs at naibalik ito kay Javellana nang buo.

Utos rin aniya ni Javellana at dating Usec. Jesus Emmanuel Paras ang pagpili sa 10 NGOs.

Nabatid din na nai-award ang nasabing pondo nang walang nangyaring public bidding.

Sinabi naman ni Atty. Levy Baligod, abogado nina Mendoza at Cacal na si Paras mismo ang lumagda ng certificate of acceptance sa output diumano ng mga gawa-gawang NGOs ng ahensya.

Itinanggi naman ng mga akusado ang alegasyon sa kanila nang makapanayam.

Aniya, anumang oras ay may haharap na bagong witness na magbubunyag din ng iba pang anomalya sa ahensya.

May mataas din umanong DA official ang lilitaw para isiwalat at patotohanan ang anomalya hindi lang sa NABCOR kundi pati na rin sa buong kagawaran.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.