65 Filipino Muslim pilgrims, sugatan sa aksidente sa Saudi Arabia – DFA

PATULOY NA TINUTUTUKAN ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kalagayan ng 65 Filipino pilgrims sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ang nasabing mga Pinoy ay dumalo sa Hajj pilgrimage sa Mecca, bilang bahagi ng obligasyon ng mga kapatid na Muslim.

Ayon kay DFA spokesman at Assistant Secretary Raul Hernandez, nagtangkang mag-overtake ang sinasakyang bus ng mga Filipino Muslims pero nawalan ng kontrol kaya naaksidente.

Papunta sana ang mga ito sa Mount Arafat para bumisita na siyang mahalaga sa kanilang pilgrimage.

Lima sa mga biktima ay kritikal na nasugatan, tatlo ang dinala sa ICU at isa pa ang nasa malubhang kalagayan na sumailalim sa surgery, ani Hernandez.

Tiniyak naman ni Hernandez na agad rumesponde ang embahada ng Pilipinas sa Jeddah para maalagaan ang mga kababayang nasaktan.

“Tinutugunan ang kanilang pangangailangan ng konsulado sa Jeddah,” dagdag pa ni Hernandez.

Sinabi ng DFA na humigit-kumulang sa 4,500 mga Pinoy Muslims ang nasa Mecca bilang bahagi ng delegasyon. (Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.