64 non-Napoles NGOs na sangkot sa pork scam, sunod na imbestigahan

NANINIWALA SI Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na matibay ang ebidensya at hindi pulitika ang naging basehan ng pagsisiyasat sa anomalya sa pork barrel fund.

Ayon kay Escudero, kasapi ng Senate Blue Ribbon Committee, na wala dapat kulay ang paghahain ng kaso at hindi rin dapat bigyan ng kulay ang sinampahan o ang nagsampa.

“Mabigat ang mga ebidensya, documentary at testimonial, laban sa mga taong ito na hindi mo puwedeng isantabi lamang at sabihin na tawaging political lang ‘yan,” pahayag ng mambabatas.

“Dala man ng pulitika ‘yung rason sa likod, sabihin na natin, hindi pa rin maikakaila na may mga seryosong alegasyon, basehan at ebidensya na dapat ipaliwanag ang mga akusado.”

Sa pagsasara naman ng pagsisiyasat ng komite sa mga ‘Napoles NGO’, para kay Escudero ang mas dapat nang tutukan ngayon ay ang iba pang non-government organizations na hindi nasasangkot sa umano’y reyna ng pork scam.

“Out of 72 NGOs, walo lamang ang kay Napoles, so may naiiwan pang 64 na NGO na pareho at eksakto ang ginawa; ang modus operandi ay eksakto at sa katunayan, mas malaki pa ang perang dumaan.”

Kung nasa P2 bilyon ang dumaang pondo sa mga NGO na sangkot kay Napoles, nasa P4 bilyon anya ang pinadaloy sa 64 iba pang grupo.

Paniwala ng senador, ang mga NGO na ito ay “hindi pa tinitingnan, sinisiyasat at iniimbestigahan”.

Kasabay nito, aminado rin ang mambabatas na posibleng may masangkot pang mga mambabatas o mga opisyal mula sa executive branch dahil hindi ito maisasakatuparan kung walang sabwatan.

Ayon kay Escudero, nananatiling bukas ang Senate Blue Ribbon Committee sa pagsisiyasat ng mga ito hangga’t may lulutang na testigo.

Posible rin aniya ito dahil may motu propio authority and power ang Blue Ribbon kung saan maaari nitong dinggin ang isang isyu kahit walang inihaing resolusyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.