6,000 apektadong residente sa Navotas, mananatili pa rin sa evacuation centers State of calamity, idineklara na

SA KABILA NG tuluyang paglisan sa bansa ng bagyong Pedring, dalawa hanggang tatlong araw pa ring mananatili sa mga evacuation center ang may 6,000 residente ng Navotas na naapektuhan at nawalan ng mga tirahan noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Dahil dito, nasa ilalim na ng State of Calamity ang lungsod bunsod ng grabeng pinsalang idinulot nito sa maraming lugar sa 14 na barangay na nasasakupan nito.

Nakakalat sa 15 evacuation center ang mga apektadong residente at karamihan sa kanila ay nasa Daang-Hari Elementary School, San Roque High School, Tangos Elementary School at Tangos High School.

Agaran silang inilikas matapos sirain ng malalakas na hampas ng hangin ang kanilang mga tirahan kasabay ng mabilis na pag-lubog hanggang dibdib na taas ng baha.

Iniutos din ni Mayor John Rey Tiangco ang patuloy na kanselasyon ng mga klase dahil lubog pa sa baha ang mga kalye at paaralan.

Tiniyak naman ng alkalde na patuloy na kumikilos ang kanilang joint rescue team upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima tulad ng pagkain at gamot.

Inatasan din ni Tiangco ang General Services Office na magtayo ng “Oplan Bayanihan ni Juan” sa harapan ng city hall upang tumanggap ng mga donasyon para sa mga biktima.

“Sa ganitong panahon ng kalamidad, mahalaga ang volunteerism at pagkakaisa,” anang alkalde.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.