6 na senador, lumagda na sa draft ng pork probe

ANIM NA senador na ang pumirma sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomendang sampahan ng kasong administratibo, plunder at graft si Janet Lim-Napoles at ang tatlong mambabatas na dawit sa P10-bilyong pork barrel fund scam.

Inilabas ni Senate Blue Ribbon Committee chairman, Senator Teofisto “TG” Guingona III, ang draft report at inirekomendang kasuhan ng plunder at graft sina Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile at sina Senators Jose “Jinggoy” Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Ilang araw bago sabihin ng Office of the Ombudsman na may natukoy itong sapat na dahilan para kasuhan ang negosyanteng si Napoles at ang tatlong senador, sinimulan na ang pagpirma ng mga kasapi ng Blue Ribbon Committee sa naturang report.

Nagsagawa ang komite ng siyam na magkakasunod na pagdinig sa umano’y pag-abuso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Bukod kay Guingona, lumagda na rin sa draft report sina Senators Antonio Trillanes IV, Francis “Chiz” Escudero, Sergio “Serge” Osmena III, Miriam Defensor-Santiago at Paolo “Bam” Aquino IV, ayon sa mga source.

Ang nasabing komite ay may 20 miyembro, at 11 lagda ang kinakailangan para makuha ang majority vote bago pormal na isumite ang committee report para sa plenary debates.

Kasapi ng Blue Ribbon Committee sina Estrada, Aquino, Trillanes, Santiago, Grace Poe, Cynthia Villar, Manuel “Lito” Lapid, Aquilino “Koko” Pimentel III, Loren Legarda, Maria Lourdes “Nancy” Binay, Joseph Victor “JV” Ejercito, Pia Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Gregorio Honasan II.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.