6 Koreano, 1 Pinoy, Tiklo sa Illegal Gambling sa Bora

ANIM NA Korean nationals at isang Pinoy ang inaresto at ikinulong sa Kalibo Philippine National Police Station dahil sa pagsasagawa ng illegal gambling sa loob ng isang inuupahang kuwarto sa isang hotel sa Zone 7, Sitio Manggayad, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.

Ang mga naarestong dayuhan ay sina Lee Chul Ho, Steve Tan, Park Soon He, Choi Kyubum at Ting Yee, pawang Korean at Chinese nationals.

Kasama rin sa nahuli ang isang Pinoy na si Michael Brillo ng Bulacan, Manila.

Isinagawa ang nasabing operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) at Provincial Intelligence Branch Operative (PIBO) sa pangunguna ni Police Inspector Wilfredo Hofelenia sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Elmo del Rosario, ng Regional Trial Court Branch 5 ng Kalibo laban sa operator ng iligal na pasugalan na Poker House na si Bobby Parks, isang Koreano.

Nakuha sa mga salarin ang mga gambling paraphernalia katulad ng poker tokens, baraha at cash na nasa P500,000.

Sinabi ni Insp. Hofelenia na bago ang pagdakip ay nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa iligal na gawain ng nasabing mga dayuhan.

Kaagad nagsagawa ng surveillance ang mga kinauukulan sa loob ng ilang buwan hanggang sa matuklasang nag-o-operate sila tuwing alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.

Samantala, kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 as amended by Republic Act 9287 o Anti-illegal Gambling Law ang isasampa laban sa nasabing mga suspek.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.