52-M Botante, Inaasahang Dadagsa sa mga Presinto

MAHIGIT SA 52 milyong botante ang inaasahang dadagsa sa mga presinto ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksyon ngayong araw, Mayo 13.

Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, all systems go o handa na ang lahat para sa botohan matapos maiprisinta at masimulan ang review ng 2013 source code o human readable instructions ng precinct count optical scan (PCOS) machines noong Huwebes, Mayo 9.

Karamihan naman sa mga makina at iba pang election paraphernalia ay naipadala, nasuri at naselyuhan na sa mga presinto.

Nakahanda na rin ang mga generator set na gagamitin sakaling magka-brownout, maging ang mga b-gan o satellite Internet para sa mga lugar na wala o mahina ang koneksyon.

Natukoy na rin ng komisyon ang 234 lugar sa bansa na paglalatagan ng random manual audit.

Bukod dito, nakahanda na rin ang mga principal at guro na magsisilbing board of election inspectors (BEIs) na sumailalim pa sa last minute workshop para tiyaking klaro ang gagawin ngayong araw.

Maaalala na natapos ang pag-imprenta sa 52,333,801 balota noong Abril 3, mas maaga ng tatlong linggo sa April 25 deadline.

Abril 13 naman nang umarangkada ang overseas absentee voting (OAV) at magtatagal hanggang ngayong araw ng botohan.

Ang local absentee voting naman para sa mga guro, sundalo, pulis at mga taga-media ay nagbukas noong Abril 28 at nagsara rin pagsapit ng Abril 30.

Paalala naman ng Comelec sa mga botante, alamin na ang presinto bago ang halalan sa website na www.comelec.gov.ph.

Mainam anilang magbitbit ng kodigo at huwag bumoto ng higit sa 12 kandidato para senador.

Samantala, para naman siguradong mabibilang ang boto, i-shade nang buo ang oval at huwag lalampas.

Dapat ding dahan-dahan ang pagpasok ng balota sa PCOS machine.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.