5 Sugatan sa pagsabog sa 2 Lalawigan sa Mindanao

CAMP AGUINALDO – KASUNOD ng travel advisory ng Estados Unidos laban sa Pilipinas, dalawang insidente ng pagsabog ang naganap sa magkahiwalay na lalawigan sa Mindanao.

Unang napaulat ang pagkasugat ni Nurolhak Bagong, 4 anyos ng Sitio Gubat, Bgy. Maker, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon kay Col. Prudencio Asto, Public Affairs Chief ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, dakong 7:45 ng gabi noong Biyernes nang sumabog ang isang improvised explosive device sa tahanan ng isang Mina Bagong.

Nagpapagaling ngayon ang biktima sa Cotabato Regional Hospital.

Sa Sultan Kudarat, apat na katao ang sugatan nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa Starlight Videoke Bar sa National Highway, Bgy. Buenaflor sa Tacurong City.

Sa ulat na ipinarating ni Chief Supt. Felicisimo Khu, hepe ng Directorate for Integrated Police Operations sa tanggapan ni PNP Spokesman, Chief Supt. Agrimero Cruz Jr, naganap ang pagsabog dakong 8:36 ng gabi noong Sabado, kung saan nasugatan sina Glaiza Juan, 19; Noraya Laguia, 23; Sorayda Tabon Lagya, 28, pawang residente ng T-boli, South Cotabato; at Elenita Mola Alesna, 34, ng Apopong, General Santos City.

Nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang mga biktima na ngayon ay nagpapagaling sa Quijano Hospital sa nasabing lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi, isang kahina-hinalang lalaki ang nagmamadaling umalis at ilang minuto lamang ay biglang sumabog ang nasabing videoke bar.  (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.