5 Overstaying Pinoy sa Jeddah, Nakauwi na

NAKAUWI NA sa Pilipinas ang limang Pinoy na overstaying sa Jeddah, Saudi Arabia, Martes ng umaga.

Kabilang dito ang tatlong babae at dalawang lalaki na sinalubong ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Tumanggi naman ang mga opisyal na magbigay ng pahayag sa media.

Pero sinabi ng isa sa mga nakauwing Pinoy na si Adjiria Abison, tubong Zamboanga City, hindi sila kabilang sa mga overseas FIlipino worker (OFW) na nagkampo sa harap ng konsulada ng Pilipinas sa Jeddah.

Anya, 2007 pa sila nasa Saudi Arabia at nagpasyang umuwi dahil sa crackdown ng Saudi government laban sa mga ilegal na nana-natili roon.

Nagpasalamat naman ang mga nakauwing Pinoy sa mga opisyal ng bansa na tumulong para mapauwi sila.

Sinagot ng gobyerno ng bansa ang pagpapauwi sa unang batch na ito ng mga overstaying na Pinoy sa Saudi Arabia.

Una nang sinabi ni Philippine Consul General to Saudi Arabia Uriel Garibay na pawang mga dumalo ng religious activity sa Saudi saka nagpasyang hindi na umuwi at magtrabaho na lamang doon ang mga Pinoy na nakasama sa repatriation.

Samantala, 4,557 na mga Pilipino ang nagpalista para makabalik ng bansa, kabilang ang 620 nagkampo sa labas ng konsulada.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.