5 Minasaker; Paghihiganti at Vigilante, Itinuturong Motibo

PAGHIHIGANTI ANG isa sa pinag-aaralang motibo sa ginawang massacre sa limang miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang menor de edad sa bayan ng Bugallon sa Pangasinan.

Sinabi ni C/Insp Lauro Escobar, hepe ng Bugallon PNP na tatlo sa mga biktima ay tadtad ng tama ng bala habang ang dalawa naman ay tinaga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Una nang kinilala ang mga namatay na sina Rommel Ramoran, Jomer Ramoran, Ernesto Ramoran, Ronald Ramoran at Albert Martinez.

Napag-alaman na nahaharap sa kasong Robbery at Rape si Rommel ilang taon na ang nakalipas.

May target umano ang mga salarin sa miyembro ng pamilya matapos nagawa pang itali ang dalawa sa mga ito na nasa labas ng kanilang bahay. Ngunit posible umanong nanlaban ang tatlo pang biktima base na rin sa tindi ng pinsalang natamo ng mga ito mula sa mga salarin.

Maliban dito, tinututukan din nilang vigilante ang may kagagawan sa pamamaslang at ang sunud-sunod na nakawan ng hayop sa lugar.

Masuwerte namang nakatakbo ang misis ni Rommel at isa pang miyembro ng kanilang pamilya.

Samantala, tinatayang nasa walo hanggang sa 10 armadong suspek ang nanloob sa bahay ng mga biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.