5 KATAO NATUSTA SA SUNOG

KASABAY SA PAGDIRIWANG ng Undas, limang magkakamag-anak ang halos magkapanabay na namatay at 2 pa ang nasa malubhang kalagayan sanhi ng isang sunog na tumagal lamang ng mahigit sampung minuto at tumupok sa ilang kabahayan at nag-iwan ng mahigit isang milyong pisong pinsala sa Pangarap Village, Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SF04 Randy Resureccion ng Caloocan City (Bureau of Fire Protection), ang nabanggit na trahedya na nagsimula bandang alas-9:50 ng gabi at ganap itong naapula pagkaraan lamang ng mahigit sampung minuto ay kumitil sa buhay ng limang biktima na nakilalang sina Irene Galleta 43, Irene Tabenas 61, Mary Rose Tabenas 22, Joppet Galleta 16 at Olivia Mabalay 8 taong gulang, pawang mga residente ng Sunflower St., kanto ng Narra St., Pangarap Village ng nabanggit na lungsod.

Nagtamo naman ng 2nd degree burn sa katawan sina Ruben Tabenas 22 at Boknoy Galleta 10. Ang dalawa ay kasalukuyang ginagamot sa Jose Rodriguez hospital sa Bagong Silang, Caloocan City.

Sa isinagawang occular inspection ng Caloocan Fire Station sa loob ng compound na kinatatayuan ng bahay ng mga nasawi, natagpuan ng mga bumbero ang isang nakatayong full-size gasoline pumping machine dalawang metro ang layo sa pintuan ng bahay ng isang Roberto Galleta, kaanak ng mga nasawi.

Sa gawing likod ng gasoline pump ay may nakalagay na dalawang plastic storage na may nakakunektang metal pipes kung saan nakaimbak ang may 200 galon ng gasoline na pinaniniwalaang ibinibenta umano ng mga biktima.

Ayon kay Boknoy, isang lalaki ang nakita niyang nagtapon ng upos ng sigarilyo malapit sa imbakan ng gasolina na nagresulta ng malakas na pagsabog hanggang sa masunog ang kanilang bahay at ma-trap ang mga biktima sa loob ng kanilang comfort room.

Tinitignan din ng Arson Division ng Caloocan Fire ang posibilidad na sinindihang kandila ng isang Rowena Dela Cruz ang sanhi ng sunog ngunit agad naman itong itinanggi.

(Roman Magpoc)

VICE MAYOR, BODYGUARD

TINAMBANGANMUNTIK NANG INIHABOL sa araw ng Undas ang sana ay kamatayan ng bise-alkalde ng Zamboanga at ang bodyguard nito, ngunit sadyang hindi pa oras ng mga biktima kaya naligtasan ng mga ito ang tiyak na kamatayan mula sa mga punglo ng mga salarin.

Ang biktima na nakilalang si Vice-Mayor Ocol Talumpa, 46 anyos, ng Labangan, Zamboanga del Sur at ang kanyang bodyguard na si Alimmudin Silat, 40 anyos, ay parehong ginagamot ngayon sa Medical Center Manila sanhi ng mga tinamo nilang tama ng bala.

Sa ulat, lulan ang mga biktima ng kanilang sasakyang Toyota Vios NQL-148 bandang ala-una ng hapon, kahapon ng biglang silang tambangan ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa may panulukan ng Leon Guinto at Apacible sakop ng Ermita.

Nabatid sa report ng pulisya, patungo umano sa mall ang mag-aamang Talumpa, kasama ang bodyguard at mismong si Vice-Mayor Talumpa ang nagmamaneho ng kulay gray na Toyota Vios nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek pagsapit sa nabanggit na lugar.

Nagawa namang makipagpalitan ng putok ang nasabing bodyguard kaya nagsitakas na lamang ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at agad namang isinugod ang mga sugatang biktima sa Medical Center Manila.

Sa hindi rin maipaliwanag na dahilan, himalang ni hindi man lang nagalusan ang 2 anak ng bise-alkalde na sina Ryan 20, at si Raisa 14, na nakasakay sa likurang bahagi ng sasakyan.

Patuloy pa ring tinutugis ng mga pulis ang mga salarin na pinaniniwalaang mga “hired killer.”

(ANTAX EMPLEO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.