5 anyos na nene, ginawang punching bag ng ama at madrasta

SWAK SA KULUNGAN ang ama ng tahanan at isang ginang matapos pagtulungang bugbugin ang sariling anak ng una dahil lamang sa pag-iyak ng bata, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan police at nahaharap sa kasong Child Abuse o RA 7610 ang mag-live-in na suspek na sina Marlon Fernandez, 30, at Mary Joy Galang, 25, kapwa ng no. 26 Malvar cor Levile Cruz Sts., Brgy. 143, Caloocan City.

Sa ulat ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD), Caloocan police, dakong alas-9 ng gabi naganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga suspek sa natu-rang lugar.

Nabatid na umiiyak si Jopay (‘di tunay na pangalan), 5, dahil sa hinahanap nito ang kanyang tunay na nanay na si Marife Rollon, 23, ng No. 43 M. De Castro St., Brgy. 142 ng nasabing lungsod.

Naingayan ang mga suspek sa pag-iyak ni Jopay at sa halip na aluhin at patahimikin ay pinagtulungan itong bugbugin.

Kinabukasan, tumungo si Rollon sa bahay ng mga suspek para kunin ang anak, subalit nakita nito na puno ng pasa ang buong katawan at galos, at nang tanungin ang anak kung ano ang nangyari rito, sinabing pinagpapalo siya at sinampal ng mga suspek.

Agad namang dinala sa President Diosdado Memorial Macapagal Hospital ang biktima para ipagamot ang mga tinamong sugat.

Hindi na rin pinalagpas ni Rollon ang ginawa ng mga suspek sa kanyang anak at nagsumbong ito sa barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip kina Fernandez at Galang.      (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.