4P’s, Itinigil ng DSWD

PANSAMANTALANG SINUSPINDE ng Department of Social Welfare and Development o (DSWD) ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).

Ayon kay Angelie Lobo Mercado, information officer ng DSWD Region 2 Tuguegarao na inabisuhan sila sa pamamagitan ng memorandum order ng kanilang punong tanggapan na hindi muna makatatanggap ng ayuda ang mga benepisyaryo sa darating na buwan ng Abril at Mayo ngayong taon.

Sinabi ni Mercado na ito ay bunsod ng umiiral na election ban kung saan pansamantalang ipinahinto ang pagpapalabas ng pondo ng gobyerno para sa anumang uri ng proyekto.

Ayon sa DSWD, ipag-kakaloob din ang nakalaang tulong sa mga tinaguriang “poorest of the poor family” pagkatapos ng election period sa buwan ng Hunyo o Hulyo ngayong taon kung kaya’t walang dapat ikabahala ang mga benepisyaryo.

Binigyang-diin rin ni Mercado na pabor ito sa 92,000 benepisyaryo ng 4P’s sa buong Cagayan Valley para hindi ito magamit ng mga pulitiko para sa kanilang pansariling interes.

Samantala, iginiit din ni Mercado na tanging ang ahensiya ang may karapatang magtanggal ng benepisyaryo sa listahan kung mayroon itong paglabag sa umiiral na polisiya ng programa kung kaya’t huwag matakot sa mga nagbabantang pulitiko na aalisin ang kanilang pangalan sa listahan kung hindi siya ang kanilang iboboto sa dara-ting na halalan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.