419 Kilos ng Botcha, Nasabat sa Caloocan City

AABOT SA 419 kilos ng botcha ang nasabat sa Caloocan City matapos ang pinaigting na kampanya laban sa mga double death na karne sa nasabing lungsod kamakalawa.

Nabatid na kamakalawa ay nagsasagawa ng regular na inspection ang mga tauhan ng City Veterinary Office sa palengke sa 3rd Avenue nang masabat ang mga botcha na hindi pa natitilad.

Upang hindi na maibenta ay agad na kinumpiska ang mga botcha at inaalam na kung sino ang may-ari na iniwan na lang sa isang bahagi ng nasabing palengke.

Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang regular inspection sa lahat ng pamilihan ng lungsod upang hindi malusutan ng mga double dead na karne.

Binalaan naman ang mga negosyante na tigilan na lamang ang pagtitinda ng karneng botcha dahil malaking abala ang sasapitin ng mga ito sakaling mahuli ng mga awtoridad bukod pa sa masamang epekto nito sa katawan ng taong makakakain.

Hiniling din sa mga residente na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang mahuli ang mga negosyanteng nagtitinda ng karneng botcha sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga ito sa pulisya kapag may nakitang kahina-hinalang double dead na karne.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.