400 Bahay, Tinupok ng Apoy
Mga Magulang ng Batang Pinagmulan ng Sunog, Nagtatago

HINDI MATAGPUAN ang mga magulang ng 3-anyos na batang lalaki na naging dahilan ng pagkasunog ng 400 kabahayan sa Valenzuela City noong Miyerkules ng hapon.

Nabatid kay Valenzuela City Fire Marshall F/ Supt. Mel Ilagan, naglaro ng posporo ang anak ni Rannie Miguel na naging dahilan ng pagkasunog ng kanilang bahay sa # 2100 De Gula Compd., Brgy. Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod, bandang ala-1:00 ng hapon.

Dahil pawang gawa sa kahoy ang mga bahay sa nasabing lugar, mabilis na kumalat ang apoy at nadamay na ang mga kapit-bahay ng pamilya Miguel.

Sa report ni FO2 John Noel Castillas, nagtamo ng sugat si Renato Cabral matapos masugatan ang paa.

Pasado alas-4:00 ng hapon nang maapula ng mga bumbero ang sunog na umabot sa Task Force Alpha.

Nahirapan ang mga pamatay-sunog na maa-pula kaagad ang apoy dahil sa makipot ang daan at hindi makapasok ang  fire trucks na nasa kalsada lang nakaparada.

Dinala na sa Tanada Covered Court sa Gen. T. De Leon ang may 455 pamilya na nasunugan na pansamantala nilang gagawing evacuation center at karamihan sa kanila ay walang naisalbang gamit o damit.

Wala rin sa nasabing evacuation center ang Pamilya Miguel na sinasabing hindi na nagpakita sa takot na sila ang pagbalingan ng galit nilang mga kapit-bahay.

Umaabot sa mahigit P1 milyon ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.