4 na miyembro ng “Gapos Gang,” nadakip dahil sa cellphone

ARESTADO ANG APAT na miyembro ng “Gapos Gang” na kinabibilangan ng dalawang babae, nang matunton ang kanilang safehouse, dahil sa cellphone na naiwan nila sa bahay ng kanilang nilooban noong Huwebes ng umaga sa Caloocan City.

Sa report kay P/Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, kinilala ang mga nadakip na sina Restituto Jose III, 24, tubong-Bulacan; Allan Belen, 25; Cyndi Brazil; at Jonnalyn Getalado, mga residente ng Brgy. 188, Tala ng nasabing lungsod.

Ayon kay Santos, bandang alas-12 ng hatinggabi, pinasok ng mga suspek ang bahay ng negosyanteng si Danilo Dela Cruz, 53; anak nitong si Denelyn, 18; at katulong na si Irene Estrella, 19, sa Block 4, Lot 4, Phase 1-G, Washington Drive, Vista Verde North Subdivision, Caybiga, Caloocan City, habang ang mga ito ay natutulog.

Tinutukan ng baril at itinali ng mga suspek ang kamay at paa ng mga biktima at nilagyan ng masking tape ang bibig para hindi makasigaw.

Kinulimbat ng mga kawatan ang cash na P1.5 milyon at Rolex na relo na nagkakahalaga ng P.5 milyon pati na rin ang iba pang kagamitan saka mabilis na nagsitakas.

Nagawang makalas ni Danilo ang tali sa kamay at paa saka dinampot ang cellphone na naiwan ng isa sa mga suspek na kaagad namang nakatawag sa Police Community Precinct (PCP) 20 Sub-Station 5, Caybiga, Caloocan City.

Sa SMS at inbox ng cellphone nadiskubre ng mga awtoridad ang safehouse ng mga suspek.

Bandang alas-6:30 kahapon ng umaga, nilusob ng mga tauhan ni Santos ang safehouse ng “Gapos Gang” sa No. 321 Vista Verde Avenue, North Subdivision, Llano, Caloocan City at naaktuhan pa nila na humihithit ang mga ito ng Shabu.

Narekober sa safehouse ng mga suspek ang ninakaw na pera, relo at ang dalawang cal. 38 baril na kanilang ginamit.

Kasong Robbery, Violation of RA 8294 (Illegal Possession of Firearms) at Violation of Article 11, Section 12 RA 9165 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) ang isinampang asunto sa mga suspek. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.