4 na Magpipinsan, Sinumpak ng 2 magkapatid; 1 Patay

ISANG CONSTRUCTION WORKER ang namatay habang tatlong pinsan nito na kinabibilangan ng isang mag-ama ang malubhang nasugatan nang barilin ng sumpak ng isang magkapatid na kapit-bahay kamakalawa ng gabi sa Camarin, Caloocan City.

Hindi na umabot nang buhay sa Tala Hospital, Caloocan City sanhi ng tama ng bala ng improvised shotgun (sumpak) ang biktimang si Richard Magtanoob, 33, may-asawa, construction worker at residente ng Vanguard Pechayan, Brgy. 179, Camarin ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nakaratay sa East Avenue Medical Center ang mag-amang biktima na sina Elmer Magtanoob, Sr.; Elmer Magtanoob, Jr.; at Delfin Magtanoob, mga nasa hustong gulang at mga nani-nirahan sa nasabing lugar.

Nagsasagawa naman ang Caloocan PNP ng paghahanap laban sa mag kapatid na suspek na sina Guillermo Verano at ang kapatid nito na si Julius, pawang mga kalugar ng mga biktima.

Base sa ulat ng nasabing himpiln ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa nang maganap ang nasabing insidente malapit sa isang sari-sari store sa nasabing lugar.

Nabatid na patungo ang batang si Elmer sa isang sari-sari store upang bumili ng sigarilyo nang bigla nitong makasalubong si Guillermo na lasing sa alak at naghahamon ng away.

Walang kaanu-ano ay bigla na lamang inupakan ng suntok ni Guillermo ang batang Elmer sa mukha na ikinahandusay nito sa lupa.

Nang malaman ng iba pang biktima ang nangyari sa batang Elmer ay naglabasan ang mga ito sa kani-kanilang bahay upang tulungan ang kanilang kaanak.

Kaagad namang dumating ang kapatid ni Guillermo na si Julius na armado ng dalawang sumpak.

Mabilis na ibinigay ni Julius sa kanyang kapatid ang isang sumpak at pagkatapos ay magkasabay na pinaputukan ang mga biktima.

Matapos ang nasabing insidente ay mabilis na nagsitakas ang magkapatid na suspek sa hindi nabatid na direksiyon dala-dala ang ginamit na sumpak habang ang mga biktima naman ay dinala sa mga nabanggit na pagamutan, kung saan si Richard Magtanoob ay patay na bago dumating sa Tala Hospital habang ang tatlong pang biktima ay inoobserbahan ang kalagayan. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.