4 na Customs Collector, Sisibakin

NAKATAKDANG SIBAKIN SA puwesto ni Commissioner Angelito Alvarez ng Bureau of Customs ang apat na District collectors kaugnay sa mahinang performance ng mga ito at hindi makuha ang kanilang mga monthly target.

Ang mga sinasabing kolektor ng BoC na sisipain sa puwesto ay ang mga district collectors ng Limay, Bataan; Port of Subic; General Santos; at Manila International Container Port.

Sinabi ni Alvarez sa isang pagtitipon na naganap kamakalawa sa pagitan ng mga mamahayag at pamunuan ng BoC sa conference room ng Bureau of Customs, ang hakbanging ito ay upang maiangat ang koleksiyon ng buwis ng kagawaran at maabot ang mahigit sa P200 bilyong target na koleksiyon sa taong ito.

Matatandaan na nitong nakaraang buwan ng Agosto, malaki ang ibinaba ng kanilang koleksiyon sa buwanang target dahil kakaunti ang mga importer na nagpaparating ng kanilang kalakal sa bansa dahil sa bench marking na ipinatutupad sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Alvarez, pinag-aaralan niya ang partisipasyon ng mga prinsipal appraiser at examiner sa pagpapalabas ng mga iligal na kargamento sa bakuran ng BoC na siyang dahilan kung kaya’t hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga importer.

Aniya, kapag napatunayan niyang nakikipagsabawatan ang mga ito sa ilegal na gawain ng mga importer, hindi siya magdadalawang-isip na alisin sa puwesto ang mga examiner at appraiser na sangkot dito.

Kamakailan lang, nasakote ng mga tauhan ng Enforcement and Security Services sa pangunguna ni Customs Police Major Rizalina Parong ng Customs Task Group on Dangerous Drugs and Controlled Chemical ang isang 20-footer container van na naglalaman ng Methyl Ethyl Ketone (MEK) na sangkap sa paggawa ng cocaine, heroine at shabu.

Ayon, sa estimated market value ng naturang chemical, nagkakahalaga ang mga ito ng P25,049,600 milyon pesos at makapagpo-produce ng humigit-kumulang sa P5.6 bilyon halaga ng Methamphetamine Hydrochloride o Shabu.

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.