4 na carnapper patay sa shootout; 1 nakatakas

PATAY ANG APAT na hinihinalang carnapper habang isa ang nakatakas matapos maka-engkuwentro ang mga operatiba ng Caloocan police makaraang umiwas ang mga ito sa isinagawang checkpoint kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Dead-on-the spot sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang dalawa sa mga suspek na nakilala lamang ang isa na si Michael Casiguran, 34, ng Blk. 17, Lot. 1, Bagong Nayon II, Quezon City. Nasawi naman ang dalawa pang salarin nang itakbo sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMC) sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas ang isa sa mga kasamahan ng mga ito.

Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harap ng Atlantic Container Corp., na matatagpuan sa 12th Ave. cor. Biglang-Awa St., Brgy. 96 at 97, Caloocan City habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Caloocan Police.

Lulan ang mga suspek ng isang Se7ven-99 taxi Toyota Vios na may plakang TYU-560, nang magawi ang mga ito sa naturang lugar, at nang matanaw ng mga ito ang mga pulis na may checkpoint sa unahan, agad na bumalik ang mga ito patungo ng P. Serrano St., ng nasabing lungsod.

Dahil dito, naghinala ang mga pulis sa mga suspek sa pag-iwas sa checkpoint kung kaya’t hinabol ang mga ito at binubusinahan, subalit sa halip na huminto ay lalo pang pinaharurot ang sasakyan.

Naabutan lamang ng mga pulis ang mga suspek nang masira ang makina ng sinasakyan ng mga ito, subalit isa sa mga ito ang naglabas ng kanilang baril at pinaputukan ang mga ito hanggang sa nakipagpalitan na rin ng putok ang mga awtoridad.

Dahilan upang agad na tumimbuwang ang dalawa sa mga suspek habang binawian naman ng buhay ang dalawa pa nang dalhin sa nasabing pagamutan.

Ayon kay Sr. Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng Station Investigation Division Ma-nagement Bureau-Caloocan police, patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente upang alamin ang tunay na pagkakakilanlan sa mga suspek at kung anong grupo o sindikato ang kinasasangkutan ng mga ito.

Nakuha mula sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng armas at ilan sa mga ito ay 2 pirasong .9mm caliber.

Bago ang insidente, nakatanggap ng tawag ang Tactical Operation ng Center Caloocan police, na may kinarnap na taxi sa kahabaan ng A. Mabini St., Maypajo ng nasabing lungsod. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.