4 Dedo; 6 Nawawala sa Gumuhong Mine Pit

KINUMPIRMA NG pamunuan ng Semirara Coal Mining Corporation na apat na minero ang nasawi, habang anim pa ang patuloy na pinaghahanap nang bumigay ang isang bahagi ng pader ng Panian Pit sa may Brgy. Caluya, Antique kamakalawa ng gabi.

Base sa report na ipinalabas ng Semirara sa pamamagitan ng kanilang resident manager na si George San Pedro, liban sa mga nabanggit ay tatlo rin ang naunang na-rescue.

Patuloy pa rin namang tinutukoy nila ang sanhi ng pagguho sa pakikipagtulungan na rin ng ilang concerned government agencies.

Tiniyak ni San Pedro na bibigyan ng kaukulang financial assistance ang mga kamag-anak ng mga namatay na minero.

Pinatutukan rin ni NDRRMC executive director at Undersecretary Eduardo del Rosario ang insidente sa Semirara mining.

Pinaalerto na rin ni Del Rosario ang Office of Civil Defense sa Region 6 para sa kaukulang tulong.

Sa kabilang dako, inihayag naman ni Antique police provincial director P/Supt. Marlu Marfil na idineklara nang danger zone ang nasabing lugar.

Aniya, ang mga kapwa minero ay kasalukuyan ding nagsasagawa ng search and rescue operation sa lugar.

Una rito, sinabi ni Allan Tagala ng Kabalikat Civicom na napag-alaman na may tatlong pang dinala sa pagamutan.

Ang mga biktima ay pawang nagtatrabaho sa minahan kung saan ang iba sa kanila ay mula pa sa ibang lugar.

Ang insidente ay iniulat na naganap alas-11:30 kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni Tagala na hindi pa nila matiyak kung ilan lahat ang tao sa loob ng minahan nang maganap ang insidente.

Ang nabanggit na mga impormasyon ay nakalap lamang ng grupo nito mula sa mga residente sa paligid matapos na hindi nakauwi ang kanilang kamag-anak na nagtatrabaho sa minahan.

Ayon pa kay Tinglay, pinangangambahang aabot sa 200 ang apektado ng landslide dahil karamihan umano sa pamilya ng mga minero ay nakatira sa nasabing lugar.

Samantala, pinaniniwalaang dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan ang sanhi ng landslide sa mining site.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.