3rd ASEAN Dengue Day Ngayon

PAGTITIBAYIN NGAYONG araw ang kampanya sa pagpuksa ng nakamamatay na sakit na Dengue ng Provincial Public Health Office (PPHO) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ikatlong Regional ASEAN Dengue Day sa Tanghalan ng Sining at Kultura, na mas kilala bilang mini-forest sa lungsod na ito.

Dadalo sa nabanggit na programa si Asec. Eric Tayag ng Department of Health (DOH) kasama ang ilang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado at Bise-Gob. Daniel Fernando. Ang kampanya ay naglalayong maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan, lalo na ngayong tag-ulan.

Sa temang “STOP, LOOK AND LISTEN, Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) PAGTIBAYIN!”, nakatuon ang nasabing adbokasiya sa muling paglulunsad ng 4 o’clock habit. Ito ay nangangahulugang huminto kada ika-4:00 ng hapon at hanapin sa loob at labas ng bahay ang posibleng mga taguan ng lamok at sirain ito upang maiwasan ang pagdami, gayundin ang pakikinig sa mga opisyal ng barangay para sa wastong paraan ng pagpuksa sa dengue.

Kasabay nito ang Walk for Dengue, kung saan magbabahay-bahay ang lahat ng makikiisa sa gawain upang hanapin at sugpuin ang mga posibleng pinagtataguan ng mga lamok. Kung saan babalikatin ng bawat isang Bulakenyo ang responsibilidad na panatiliing malinis at ligtas sa dengue ang ating lalawigan. Bukod pa diyan, magbibigay din ng larvicide sa DepEd.

Base sa talaan ni Dra. Joy Gomez Esguerra ng Provincial Public Heatlh, mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, umabot na sa 906 ang naiulat na pinaghihinalaang may kaso ng Dengue sa lalawigan kung saan dalawa rito ang namatay. Mababa ito kung ikukumpara sa 1,650 na kaso ng Dengue noong nakaraang taon sa parehong mga buwan.

Aniya, ang mga lungsod ng San Jose del Monte, Meycauayan at Malolos at ang mga bayan ng Sta. Maria at Plaridel ay kabilang sa limang mga lungsod at munisipalidad na may pinakamaraming bilang ng kaso ng Dengue virus.

Nakapag-tala rin ang PPHO ng may 16 na katao ang namatay sa Dengue simula Enero hangang Disyembre ng nakaraang taon.

Bunsod nito’y hinihikayat ang iba’t ibang sektor na kinabibilangan ng mga opisyal, kawani, paaralan, negosyante, simbahan, kapulisan, samahang pribado, at lahat ng mamamayang Bula-kenyo upang makiisa sa sabayang pagsasagawa ng 4 o’clock habit. Ito ay isang mabisang paraan upang tuluyang mapuksa ang lamok na nagdadala ng nakamamatay na sakit na Dengue.

 (TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.