3,000 pasahero, stranded sa Bicol dahil sa Bagyong Labuyo

NASA RED alert status pa rin ang buong pamunuan ng Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol dahil sa bagyong Labuyo.

Sinabi ni OCD-Bicol Regional Dir. Raffy Alejandro na mula pa noong isang araw ay nakaalerto na sila upang paghandaan ang anumang pinsalang maaaring dalhin ng nasabing bagyo sa rehiyon.

Umaasa rin ang opisyal na nakahanap ng masisilungan ang umaabot sa 30 mga mangingisda na pumalaot umano noon pang Agosto 8 at hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik sa kanilang mga pamilya sa Catanduanes.

Binigyang diin naman ni Alejandro na “intermittent rain” lamang o paputol-putol na buhos ng mahinang ulan ang mararamdaman sa rehiyon na ayon umano sa Pag-asa ay minimal na epekto lamang ng nasabing bagyo.

Samantala, lumbo na sa 3,485 ang stranded na mga pasahero sa buong Bicol kung saan ang 2,300 dito ay nananatili sa Matnog port sa Sorsogon habang ang 69 naman ay mula sa Camarines Sur kung saan naitala sa Sabang port ang 24 na stranded na mga pasahero, 32 naman sa Gijalo port at 13 sa Tamban port.

Inihayag ni Che Bermejo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-CamSur na tatlong motorized banca ang nakahimpil sa Pasacao port, anim sa Sabang port at mayroon ding tatlong cargo vessel na stranded sa Gijalo port.

Pinaalalahanan din ni Bermejo ang mga guro at mag-aaral na nakatakda sanang magsagawa ng mangrove planting at iba pang outreach program na huwag muna itong ituloy lalo’t nasa ilalim ng storm signal number 3 ang lalawigan.

Sinabi rin ni PCG-Bicol Command Duty Officer Glen Mago na nabatid na 21 passengers ang stranded sa Catanduanes, 428 sa Albay, at 40 sa Masbate.

Habang umaabot naman sa 139 ang bilang ng mga trucks na stranded: 23 rito ay sa Albay, 100 sa Sorsogon, 12 sa Catanduanes, at apat sa Masbate.

Umabot naman sa 58 ang bilang ng mga passenger bus na stranded: Pito rito ay sa Albay at 51 sa Sorsogon.

Ang mga sasakyang pandagat na hindi makapaglayag ay pumalo na sa 21 kung saan mayroong walo sa Albay, pito sa Sorsogon at anim sa Masbate.

Samantala, habang 139 na ang mga stranded na sasakyang naitala kasama na ang mga private cars.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.