3 utas, P500K at armas tinangay ng holdaper

PATAY ANG security guard at dalawang empleyado ng Rubber Buying Station nang holdapin ang nasabing kumpanya ng limang kalalakihan kamakalawa ng umaga sa Barangay Maligaya, Lamitan City, Basilan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Sedrick Lisama, Nonong Clintock at si Ryan Abalyana, pawang mga residente ng naturang syudad.

Ayon sa ulat mula sa Lamitan City Police Station, dakong alas-8 kamakalawa ng umaga habang binubuksan ng mga biktima ang bodega, humimpil sa harapan nila ang dalawang XRM motorsiklo lulan ang limang armadong kalalakihan at nagpanggap na parokyano, subalit ilang saglit lamang ay bigla na lamang nagpaputok ang mga ito at pinuntirya ang tatlong biktima.

Matapos ang pamamaril, kaagad na kinulimbat ng mga suspek ang perang bitbit ng mga biktima na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso at ang shotgun ng security guard, at dagling umeskapo sa lugar.

Naisugod pa sa ospital ang mga biktima, subalit idineklarang dead on arrival ang mga ito bunsod sa dami ng tama ng bala sa katawan na tinamo ng mga ito.

Nakuha sa insidente ang maraming basyo ng bala ng M177 rifle at caliber .45 pistol na ginamit ng mga salarin sa krimen.                     (E.CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.