3 Sundalo, Patay sa Pagsabog sa Davao

DEAD ON THE spot ang tatlong sundalo matapos na sumabog ang itinanim ng mga rebelde sa pamahalaan na landmine sa lungsod ng Davao.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command (Eastmincom) spokesman Col. Leopoldo Galon, dakong alas-8:15 kahapon ng umaga nang mangyari ang pagsabog.

Sinasabing ang makakaliwang grupong New People’s Army (NPA) ang may kagagawan ng pagsabog sa bahagi ng Sitio Guinobatan, Barangaqy Paquibato, Paquibato District, Davao City na nasa 300 hanggang 400 metro lamang ang layo mula sa detachment ng mga sundalo sa nasabing lugar.

Nakiusap naman ang AFP na hindi muna ibunyag sa publiko ang pagkakilanlan ng tatlong nasawing sundalo hangga’t hindi pa naipapaalam sa mga kapamilya nito ang nangyari.

Sa imbestigasyon, lumalabas na kaalis pa lamang ng mga elemento ng 69th Infantry Battalion (IB) sa Guinobatan Patrol Base para magsagawa ng patrol operation sa lugar nang madaanan ang itinanim na landmine ng NPA na pinangunguna-han ni Leoncio Pitao alyas Kumander Parago.

Sinabi naman ni Lt Col Lyndon Paniza ang spokesman ng 10th Infantry Division  (ID) ng Philippine Army (PA) na magsasagawa lamang ng community outreach program ang mga sundalo nang mangyari ang pagsabog.

Idinagdag pa ni Paniza na malinaw na paglabag sa Human Rights at International Humanitarian Law (CARHIHL) ang ginawa ng mga NPA.

Sa ngayon nagsasagawa na ng operasyon ang mga awtoridad para panagutin ang mga salarin sa pagkamatay ng tatlong sundalo. (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.