3 senador, tablado 3 ex-senador, sabit

TILA NAGKAKARAMBOLA ang mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan sa usapin ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, kung saan matapos maglabas ng resolusyon ang Office of the Ombudsman para pagsasampa ng kasong pandarambong at iba pa pang graft charges sa Sandiganbayan laban sa mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr., tatlo pang dating senador ang isinasabit pa sa pork barrel scam.

Tablado sa liderato ng Senado sina Enrile, Estrada at Revilla dahil hindi nito kakanlungan o sasaklolohan ang mga nasabing senador kapag lumabas na ang warrant of arrest sa non-baiolable case na plunder. Sinabi ni Senate President Franklin Drilon na sakaling lumabas ang warrant of arrest, walang pakialam ang Senado. Sa halip, ang Korte ang may hurisdiksyon sa kustodiya ng mga akusado sa layunin na matiyak ang kanilang presensya sa oras na kailanganin sa mga paglilitis.

Iginiit din ni Sen. Miriam Defensor-Santigo na dapat walang special treatment sa mga mambabatas sakaling sila ay madakip, sa halip ay dapat ilagay sila sa ordinaryong kulungan.

Una na ring inihayag nina Enrile, Estrada at Revilla na handa nilang harapin ang kaso sa Sandiganabayan para patunayan na wala silang kasalanan sa ibinibintang na pagbulsa ng milyon-milyong pondo mula sa pork barrel, sa halip pawang pamumulitika lamang.

Ayon naman kay Estrada, handa na rin daw itong makulong dahil minsan na siyang nakulong at sa kalaunan ay napawalang sala sa kasong pandarambong.

Si Jinggoy ay kasaluku-yang nasa Estados Unidos na umano’y babalik ng Pilipinas bago ang Abril 19 kasabay ng kaarawan ng kanyang ama na si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada, habang si Revilla naman ay nasa Israel na sinasabing babalik ng bansa sa Abril 13.

Samantala, tatlo pang da-ting senador ang sangkot sa isyu ng pagnanakaw sa pondo ng bayan. Ito ang isiniwalat ni Atty. Levito Baligod, dating counsel ng whistleblowers matapos ang pagkuwestyon ng ilan, kabilang na si Bise Presidente Jejomar Binay sa tila ‘pamumulitika’ sa kaso, dahil tanging mga taga-oposisyon lamang ang mahaharap sa asunto.

Bagama’t hindi pinangala-nan at hindi rin tinukoy ang partidong kinabibilangan, inihayag ni Baligod na naisumite na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng ebidensyang hawak nila ukol dito.

Ayon pa kay Baligod, sa hawak na rekord at ebidensya ng dati niyang kliyente na si Benhur Luy mula 2004 hanggang 2010 ukol sa mga transaksyon ng NGOs ni Napoles sa mga mambabatas, “mayroon pong mga dating senador. Mga tatlo po ang maalala ko na dating senador [na hindi nakakasuhan].”

“Lahat ng pangalan ng legislator na lumalabas sa financial record ni Benhur ay nai-file na rin po namin sa Department of Justice, kumpleto po ‘yun. ‘Yung computer file ni Benhur Luy ay ipinailalim na namin sa forensic examination ng NBI.”

Nasa NBI na aniya kung makukumpleto nito ang data gathering at pagkalap ng dokumento ukol sa mga ito.

Sinabi pa ni Baligod na mahirap pang pangalanan ang mga dating mambabatas dahil patuloy pa ang pagkumpleto sa dokumento.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.