3 Pulitikong Namatay sa Stem Cell Treatment, Iniimbestigahan na

SINISIYASAT NA ng Philippine Medical Association (PMA) ang pagkamatay ng tatlong pulitiko dahil umano sa pagpapa-stem cell treatment sa Germany.

Tumanggi munang pa-ngalanan ni PMA President Dr. Leo Olarte ang tatlo na pawang matataas ang naging posisyon sa bansa.

Sinabi ni Dr. Olarte na nilapitan na nila ang pamilya ng mga biktima para makakuha ng sapat na detalye.

Ngunit nahihirapan aniya sila sa pagsisiyasat dahil ang iba ay ayaw makipagtulungan dahil nahihiya.

Base sa nakalap na impormasyon ng PMA, nasawi ang mga biktima isang taon mula nang magpa-stem cell treatment sa Germany.

Sa mga bansa aniyang nasa Europa tulad ng Germany ay pinapayagan ang paggamit ng stem cell mula sa hayop tulad ng tupa, rabbit, buwaya, baka, baboy at kalabaw.

Delikado umano ito kaya mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas at tanging galing lamang sa katawan ng tao ang pinapayagan dito.

Panawagan naman ng PMA sa mga gustong magpa-stem cell treatment, huwag nang dumayo sa ibang bansa dahil may mga eksperto naman sa Pilipinas na mga kasapi ng Philippine Society for Stem Cell Medicine na nagsasagawa nito at mas makatitipid pa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PMA at Philippine Society for Stem Cell Medicine sa Department of Health (DOH), Professional Regulations Commission (PRC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para masugpo ang mga ilegal na gumagawa ng stem cell treatment kabilang na ang mga manggagamot na hindi awtorisado.

May ulat ding natanggap ang PMA na may mga manggagamot at isang klinika sa Germany na nagtutungo sa bansa at nagsasagawa ng stem cell treatment.

Mahigpit itong ipinagbabawal dahil tanging sa mga pagamutan at accredited and licensed medical clinic o medical facilities lamang ito pinapayagang gawin.

Samantala, ipupursige ng PMA ang naturang pagsisiyasat para na rin sa kapakanan ng publiko.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

One thought on “3 Pulitikong Namatay sa Stem Cell Treatment, Iniimbestigahan na

  1. Ok lang kung mga nangamatay yang 3 politiko na yan sa pagpapa stem cell.. ninakaw lang naman nila ung pinambayad nila jan sa linsyak na SC sa kaban ng bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.